Teves itinuturong utak sa pagpatay kay Degamo

0
357

Dalawang suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo ang nagsabing isang nagngangalang “Cong Teves” ang nasa likod ng pagpatay sa gobernador.

Ayon sa ulat, inisyal na inalok ang mga suspek na sina Joric Labrador at Benjie Rodriguez na magtrabaho para sa VIP security subalit kalaunan ay itinalaga sa grupo nga inatasang pumatay kay Degamo. Sinabi ng dalawang suspek na sinabihan sila na ang gobernador ay isang drug lord.

Patay sa pamamaril si Degamo at lima pa habang namamahagi ng tulong sa kanyang mga constituents sa Pamplona, Negros Oriental noong Sabado. Ilang tao ang nadamay at nagtamo ng sugat, habang umabot na sa siyam ang iba pang namatay sa insidente ng paglusob.

Nang tanungin kung paano nila natukoy ang diumano ay mastermind, sinabi ni Labrador: “Tinanong ko yung safe house namin at lupa, Teves daw”.  

Ayon pa rin sa salaysay ni Labrador, “Ang alam kong nag-recruit sa amin ay si Marvin,” at nang tanungin kung sino ang nag-utos kay Marvin, aniya, “Si cong daw sir…Teves sir.”

Ang incumbent congressman sa Negros Oriental ay si Representative Arnolfo “Arnie” Teves. Ang kanyang kapatid na si dating Bayawan City Mayor Pryde Henry Teves, ay nanungkulan din bilang representative bago sila naglaban ni Degamo sa 2022 elections.

Inisyal na idineklarang wagi ang dating mayor subalit pinaalis sa pwesto matapos pagtibayin ng Commission of Elections and the Supreme Court ang pagkapanalo ni Degamo.

Sinabi ng National Bureau of Investigation at ng Department of Justice na kailangan nilang beripikahin ang mga alegasyon at sisiyasatin ang mga pangalan na binanggit sa kaso.

Sinubukang abutin ang mga kampo ng dating alkalde at ni Rep. Teves, na may travel clearance para sa paglalakbay sa ibang bansa mula Pebrero 28 hanggang Marso 9, ayon sa House Secretary-General Office.

“We call on all concerned to observe sobriety in their pronouncement regarding the allegations against Rep. Arnie Teves in the face of certain accusations against him in connection with the killing of Governor Roel Degamo and several other persons,” ayon sa pahayag ni Ferdinand Topacio, legal counsel ng legislator.

Nauna dito, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na may nakikitang “pattern of impunity” sa Negros Oriental kasunod ng pagpatay kay Degamo.

Kaugnay nito, siinabi ng Department of Justice (DOJ) na magdedesisyon ang mga prosecutors batay sa ebidensya at hindi sa espekulasyon sa mga kaso laban kay Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves Jr.

Tiniyak din ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na legal ang operasyon ng pulisya sa bahay ni Teves sa Purok 4, Barangay Poblacion, bayan ng Basay noong Biyernes ng umaga.

“There were (two) search warrants issued by the courts so I suppose that all of these were legally carried (out),” ayon sa statement ni Remulla sa mga reporters.

Nakuha ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group at Special Action Force, kasama ang 11th Infantry Battalion ng Philippine Army, ang ilang mga baril, bala, at isang hand grenade sa bahay ni Teves.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.