MAYNILA. Dinala na sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City si Teves matapos siyang ilipat mula sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI). Pansamantala siyang idedetine habang dinidinig ng korte ang mga kasong isinampa laban sa kaniya, kabilang ang diumano’y pagiging utak sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Iniharap ni NBI Director Judge Jaime Santiago si Teves sa media. Kasama ni Teves ang kaniyang ina, si Zenaida Teves, at ang legal counsel na si Atty. Ferdinand Topacio. Ayon kay Teves, magkahalong saya at lungkot ang kaniyang nararamdaman dahil bagama’t nakakulong, nakabalik siya sa bansa at nakita ang ina matapos ang mahabang panahon.
Ikinuwento ni Zenaida na dalawang taon silang hindi nagkita at hindi niya nadalaw si Teves sa Timor-Leste dahil siya’y naospital at namatay ang asawa noong 2024. Sa pagkakataong iyon ay naluha si Teves at mahigpit na niyakap ang kaniyang ina.
Humiling si Teves na bilisan ang paglilitis sa kaniyang mga kaso at sinabing kailangan niyang harapin ang mga ito upang matapos. Pinuri naman ni Atty. Topacio ang maayos at mahinahong pagtrato ng NBI kay Teves, at hinikayat ang iba pang pugante na sumuko na rin sa NBI para masiguro ang patas na trato. Sinang-ayunan ito ni Teves.
Nitong Huwebes ng gabi, dumating sa Pilipinas si Teves matapos dumaan sa Davao ang Philippine Air Force bago lumapag sa Villamor Air Base dakong alas-1:18 ng madaling araw. Dinala siya sa NBI headquarters sa Pasay City kung saan siya nagpalipas ng gabi. Pinayagan ni Santiago na makasama niya ang ina at si Atty. Topacio, pati na rin ang ilang personal na gamit at damit.
Sumailalim si Teves sa booking procedure, kabilang ang mugshot, fingerprinting at medical check-up bago tuluyang dinala sa Bilibid.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.