MAYNILA. Halos 5 milyong videos mula sa Pilipinas ang binura ng TikTok sa loob lamang ng tatlong buwan, mula Oktubre hanggang Disyembre 2024 matapos mapatunayang lumabag ang mga ito sa community guidelines ng naturang social media platform.
Ayon sa ulat ng TikTok, karamihan sa mga tinanggal na content ay may kinalaman sa sensitibong tema, mature content, at regulated goods o mga produktong nangangailangan ng kontroladong distribusyon. Kasama rin dito ang ilang komersyal na aktibidad na lumabag sa patakaran ng platform.
Binanggit ng TikTok na 99.6% ng mga video na kanilang binura ay inalis “proactively”, ibig sabihin ay awtomatiko itong nadetect at tinanggal bago pa man ireklamo ng ibang users. Nanindigan ang TikTok na hindi sila nagpapahintulot ng misinformation na maaaring makasama sa isang indibidwal o sa buong komunidad.
“TikTok does not permit misinformation that causes harm to individuals or the community,” ayon sa kanilang pahayag.
Bukod dito, iniulat rin ng kumpanya na 98% ng mga videos na natukoy na naglalaman ng fake news o maling impormasyon ay tinanggal nila sa kanilang platform.
Patuloy na pinaigting ng TikTok ang kanilang mga hakbang upang mapanatili ang ligtas at responsableng paggamit ng kanilang app, lalo na sa mga bansang may malaking user base tulad ng Pilipinas.

Paraluman P. Funtanilla
Paraluman P. Funtanilla is Tutubi News Magazine's Marketing Specialist and is a Contributing Editor. She finished her degree in Communication Arts in De La Salle Lipa. She has worked as a Digital Marketer for start-up businesses and small business spaces for the past two years. She has earned certificates from Coursera on Brand Management: Aligning Business Brand and Behavior and Viral Marketing and How to Craft Contagious Content. She also worked with Asia Express Romania TV Show.