MAYNILA. Tinanggal ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Bise Presidente at mga dating Pangulo ng bansa bilang mga miyembro ng National Security Council (NSC) sa ilalim ng bagong Executive Order No. 81 na kanyang nilagdaan.
Ayon sa Pangulo, layunin ng nasabing reorganisasyon na tiyaking mananatiling matatag ang NSC bilang isang institusyong pang-seguridad na kayang makibagay sa mga nagbabagong hamon at oportunidad, sa loob at labas ng bansa.
Kasama rin dito ang pagsiguro na ang mga miyembro ng NSC ay magsusulong at poprotekta sa pambansang seguridad at soberanya, na magbibigay ng isang kapaligirang angkop para sa epektibong pamamahala at katatagan.
Mga Bagong Miyembro ng NSC
Sa ilalim ng bagong direktiba, ang mga magiging miyembro ng NSC ay ang mga sumusunod:
- Ang Pangulo bilang Chairperson
- Senate President
- Speaker of the House of Representatives
- Senate President Pro-Tempore
- Tatlong Deputy Speakers na itatalaga ng Speaker
- Majority Floor Leader at Minority Floor Leader ng parehong Senado at Kongreso
- Mga Chairperson ng komite sa Senado at Kongreso kaugnay ng Foreign Relations, National Defense and Security, Public Order and Safety
- Executive Secretary
- National Security Adviser
- Mga Kalihim ng DFA, DOJ, DND, DILG, at DOLE
- Chief Presidential Legal Counsel
- Secretary ng Presidential Communications Office
- Head ng Presidential Legislative Liaison Office
- At iba pang opisyal at pribadong mamamayan na maaaring italaga ng Pangulo “from time to time.”
Samantala, bubuuin naman ang executive committee ng NSC ng mga sumusunod:
- Pangulo bilang Chairperson
- Executive Secretary
- Senate President o kinatawan nito
- Speaker of the House o kinatawan nito
- National Security Adviser
- Mga Kalihim ng DFA, DOJ, DND, at DILG
- At iba pang miyembro o advisers na maaaring italaga ng Pangulo.
Kasaysayan ng NSC
Ang NSC ay nabuo sa bisa ng Executive Order No. 330 noong Hulyo 1, 1950, at muling ni-reorganize sa ilalim ng EO No. 115 noong Disyembre 24, 1986. Ang Bise Presidente ay naging bahagi nito sa ilalim ng EO No. 34 na nilagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Sa bagong direktiba, ipinaliwanag ni Executive Secretary Lucas Bersamin na, “Vice President is not considered relevant to the responsibilities of membership in the NSC.” Dagdag niya, may kapangyarihan ang Pangulo na mag-alis o magdagdag ng mga miyembro sa NSC kapag kinakailangan.
Isyu sa Pahayag ni VP Sara Duterte
Magugunitang sinabi ng NSC na seryoso nilang tinutugunan ang anumang banta sa Pangulo matapos sabihin ni Vice President Sara Duterte na may kinausap na siya para patayin si Marcos, ang Unang Ginang na si Liza, at si Speaker Ferdinand Martin Romualdez, kung may masamang mangyari sa kanya.
Kinuwestiyon ni Duterte ang kawalan niya ng imbitasyon sa pulong ng NSC bilang miyembro nito. Ayon kay National Security Adviser Eduardo Año, “is closely coordinating with law enforcement and intelligence agencies to investigate the nature of the threat, the possible perpetrators, and their motives.”
Nilinaw naman ni Duterte na hindi pagbabanta ang kanyang pahayag kundi nais lamang niyang ipaalam ang banta umano sa kanyang buhay.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo