Tinanggap ng Comelec ang recall petition laban sa isang Laguna mayor

0
369

STA. CRUZ, Laguna. Isinampa sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec), Office of the Municipal Election Officer, ang petisyon para sa recall election laban sa kasalukuyang Mayor ng Santa Cruz, Laguna na si Edgar “Egay” San Luis.

Ang petition for recall ay inihain ng iba’t ibang grupo at indibidwal ay pinangunahan nina Rizaldy Nalo Kalaw, Juanito Ramos Fajardo, at Ernesto Salosa Palomique, kasama ang 15,217 petitioners na mga botante at residente ng Santa Cruz, Laguna.

Kamakailan lamang ay umusbong ang iba’t ibang isyung may kinalaman sa corruption  sa munisipyo laban sa alkalde.

Kabilang sa mga isyung ito ang hindi maipaliwanag na paggastos sa pondo ng bayan, malaking halaga ng utang na hindi maipaliwanag, at iba pang mga isyu.

Marami sa mga lumagda sa petisyon ay dating taga suporta at tauhan ng alkalde na nawalan ng tiwala sa kakayahan ng punongbayan na mamuno dahil sa iba’t ibang anomalya na kaugnay nito.

Ang petisyon para sa recall election ay inihain batay sa Article X ng Saligang Batas at Local Government Code of the Philippines. Sa pamamagitan nito, may kapangyarihan ang mamamayan na muling pumili ng bagong lider kung ang kasalukuyang halal na opisyal ay hindi na naglilingkod sa interes ng mga mamamayan.

Wala pang pahayag mula sa alkalde hinggil sa inihain na recall petition.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.