Tinanggap ng PCG ang 15 survivors at mga labi ng 2 tripulante ng M/V Devon Bay mula sa China Coast Guard

0
303

MAYNILA — Tinanggap ng Philippine Coast Guard (PCG) noong Linggo ang 15 survivors at ang mga labi ng dalawang tripulante ng cargo vessel na M/V Devon Bay na tumaob malapit sa Scarborough Shoal sa West Philippine Sea noong nakaraang linggo.

Isinagawa ang turn-over operation humigit-kumulang 168 nautical miles sa kanluran ng Tambobong, Pangasinan, kung saan pormal na inilipat ng China Coast Guard (CCG) sa PCG ang mga tripulanteng kanilang nasagip.

Naunang iniulat ng PCG na ang Singaporean-flagged na general cargo vessel ay nagkaroon ng maritime incident habang patungo sa Yangjiang, China mula sa Gutalac, Zamboanga del Sur, habang may kargang iron ore.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng Chinese Embassy na 17 tripulante ang nasagip ng CCG, kung saan “14 ang nasa maayos na kalagayan, 2 ang kumpirmadong nasawi, at 1 ang nananatiling nasa emergency medical treatment.”

May kabuuang 21 tripulanteng pawang Pilipino ang sakay ng Devon Bay. Sa kasalukuyan, 15 ang nakaligtas at dalawang bangkay ang tinanggap ng PCG, habang apat na tripulante pa ang nawawala.

Inaasahang darating sa Maynila ngayong araw ng Lunes ang barkong naglululan ng mga nakaligtas at mga labi ng nasawi.
“BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) is scheduled to arrive at Pier 13, Port Area, Manila in the early morning of January 26, 2026,” ayon kay PCG spokesperson Captain Noemie Cayabyab.

Nagpasalamat din si Cayabyab sa China Coast Guard sa ibinigay nitong humanitarian assistance sa pagsagip at ligtas na pag-turnover ng mga tripulante.

Samantala, patuloy ang search and rescue operations ng PCG para sa apat pang nawawalang crew sa tulong ng BRP Cape San Agustin (MRRV-4408) at isang PCG Islander aircraft, habang nakikipag-ugnayan din sa mga dumaraang barko sa lugar alinsunod sa international maritime protocols. Iniulat ng PCG na ang huling lokasyon ng barko ay nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas, bagaman malapit sa isang lugar na inaangkin ng parehong Pilipinas at China.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.