Tinanggihan ng ICC ang hamon ni Rodrigo Duterte sa hurisdiksyon nito

0
299

Tinanggihan ng International Criminal Court (ICC) ang hamon sa hurisdiksyon na inihain ng mga abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nakakulong sa The Hague Penitentiary dahil sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng mga pagpatay at tangkang pagpatay sa ilalim ng kanyang kampanya kontra droga sa Pilipinas.

Sa 32-pahinang desisyon na pirmado ng tatlong hukom ng Pre-Trial Chamber I, ibinasura rin ng korte ang hiling ng depensa na ipagpaliban ang paglalabas ng desisyon hinggil sa kanilang hamon.

Ayon sa ICC, may hurisdiksyon pa rin ito sa mga kasong isinampa laban kay Duterte sapagkat nagsimula ang preliminary examination ng prosekusyon bago pa man inihain ng Pilipinas ang written notification of withdrawal mula sa Rome Statute, at bago pa man ito maging epektibo.

Binanggit ng depensa ni Duterte, sa pangunguna ni Nicholas Kaufman, na hindi umano natugunan ang mga rekisito para sa paggamit ng hurisdiksyon ng ICC nang pahintulutan ng Pre-Trial Chamber ang pagsasagawa ng imbestigasyon noong Setyembre 15, 2021. Giit ng depensa, epektibo na ang pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute noong Marso 17, 2019, kaya’t dapat ay walang bisa ang mga hakbang ng ICC matapos ang petsang iyon.

Ngunit nilinaw ng mga hukom ng ICC na nananatili ang bisa ng jurisdictional regime sa ilalim ng Part 2 ng Rome Statute, kahit umatras na ang Pilipinas. Binanggit nila ang Article 127(2), na nagsasabing hindi dapat maantala o maapektuhan ang anumang kaso na nasimulan na bago pa maging epektibo ang pagkalas ng isang estado mula sa tratado.

Matatandaan na iniurong ni Duterte ang Pilipinas mula sa Rome Statute noong 2018, matapos magsimula ang preliminary probe ng ICC sa kanyang war on drugs. Naging epektibo ang pagkalas noong 2019.

Gayunman, iginiit ng ICC na may hurisdiksyon ito sa mga krimeng naganap noong miyembro pa ng tratado ang Pilipinas, partikular mula 2011 hanggang 2019. Maging ang Korte Suprema ng Pilipinas ay nagpahayag na obligadong makipagtulungan ang gobyerno sa ICC sa ilalim ng parehong probisyon.

Sa desisyon noong Oktubre 23, binigyang-diin ng mga hukom na nagpatuloy pa rin ang pakikipag-ugnayan ng gobyerno ng Pilipinas sa ICC kahit epektibo na ang pagkalas nito.

Tinukoy ng korte na noong Nobyembre 2021, humiling ang Pilipinas ng deferral ng imbestigasyon, at noong Marso 12, 2025, inaresto at isinuko si Duterte sa mga awtoridad ng Pilipinas upang dalhin sa The Hague.

Ayon sa ICC, ang patuloy na pakikilahok ng Pilipinas sa mga proseso ng korte ay patunay na nanatili ang hurisdiksyon ng ICC sa mga kasong isinasaalang-alang bago pa man tuluyang inalis ang bansa sa tratado.

Dagdag ng ICC, habang iginagalang ng Statute ang karapatan ng isang estado na umurong, tinitiyak din nitong hindi magagamit ang pag-atras upang makaiwas ang sinuman sa pananagutan sa mga kasong nasa ilalim na ng imbestigasyon.

Si Duterte ay dinala sa The Hague matapos arestuhin noong Marso 11, at ikinulong sa Hague Penitentiary Institution dahil sa kasong crimes against humanity kaugnay ng mga extrajudicial killings sa kampanya kontra droga.

Noong Setyembre, isiniwalat ng ICC na si Duterte ay kinasuhan sa 49 insidente ng murder at attempted murder habang siya ay alkalde ng Davao City at kalaunan ay pangulo ng Pilipinas, “bagaman mas malawak umano ang aktuwal na bilang ng mga biktima.”

Si Duterte, na nakilala bilang matapang at prangkang alkalde ng Davao, ay nahalal na pangulo noong 2016 sa pangakong wawasakin ang ilegal na droga at korapsyon sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.

Ngunit kalaunan ay umamin siyang hindi niya natupad ang naturang pangako, habang patuloy ang mga operasyon ng pulisya sa ilalim ng Oplan Tokhang na nagresulta sa pagkamatay ng libu-libong Pilipino, karamihan ay mahihirap.

Ayon sa mga ulat ng pamahalaan, humigit-kumulang 6,000 ang nasawi sa kampanya kontra droga, ngunit ayon sa mga human rights group at mga taga-usig ng ICC, mas mataas pa umano ang tunay na bilang ng mga biktima.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.