MAYNILA — Tinapos ng Iglesia ni Cristo ang kanilang rally laban sa korapsyon sa Quirino Grandstand nitong Lunes ng gabi, isang araw bago ang nakatakdang pagtatapos nito sa Martes.
Ayon kay Edwil Zabala, tagapagsalita ng INC, hindi kailangan ng tatlong araw upang maiparating ang mensahe ng pananawagan para sa katarungan, pananagutan, transparency, at mabuting pamamahala.
“Hindi kailangan ng tatlong araw upang maiparating ang mensahe na nananawagan kami para sa katarungan, pananagutan, transparency, at kapayapaan,” ani Zabala.
Batay sa tala ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office, umabot sa tinatayang 550,000 ang dumalo sa Luneta noong Martes ng alas-8 ng gabi.
Noong nakaraang araw, umabot sa pinakamataas na bilang na 650,000 ang mga dumalo sa Luneta hanggang alas-6 ng gabi ng Linggo.
Sinabi naman ni Interior Secretary Jonvic Remulla na naging generally peaceful ang unang araw ng tatlong-araw na protesta, at tiniyak niya na handa ang gobyerno na harapin ang mga destabilizers gamit ang buong kapangyarihan ng batas.
Ayon sa Manila Police District, nasa 110,000 ang nag-camp sa lugar sa ikalawang araw ng protesta noong Lunes.
Dagdag pa ni INC General Evangelist Bienvenido Santiago Jr., ang tatlong-araw na protesta ng INC ay layong humiling ng konkretong aksyon laban sa korapsyon sa mga flood control projects at hindi ang pagbagsak ng pamahalaan.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






