MAYNILA — Inalis ng Land Transportation Office (LTO) ang ₱100 registration fee para sa mga custom-made top box at saddle bag na ikinakabit sa mga motorsiklo, bilang hakbang na magbigay-ginhawa sa mga rider.
Ayon sa memorandum na pirmado ni LTO Chief Markus Lacanilao noong Disyembre 15, 2025, epektibo mula Enero 2026, mawawala na ang nasabing bayad kada top box o saddle bag.
Ayon kay Lacanilao, isinagawa ang pagbabago alinsunod sa direktiba ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at Acting Transportation Secretary Giovanni Z. Lopez upang mapagaan ang gastusin ng mga rider na umaasa sa kanilang motorsiklo sa pang-araw-araw na kabuhayan.
“Ito ay malaking tulong sa mga rider na umaasa sa kanilang motorsiklo sa kanilang paghahanapbuhay para maalis na ang dagdag na gastusin,” pahayag ni Lacanilao sa isang post sa Facebook.
Dagdag pa niya, “Ang patakarang ito ay nakaayon sa 7-Point Policy Agenda ng LTO na nakatutok sa pag-alis ng mga hindi kinakailangang bayarin at pagpapagaan ng pasanin sa pananalapi ng mga mamamayang umaasa sa motorsiklo, na nagbibigay ng ginhawa sa badyet habang pinapanatili pa rin ang mga pamantayan para sa kaligtasan sa kalsada.”
Ayon sa opisyal, mananatiling kinakailangan ang pagrerehistro upang matiyak ang kaligtasan at pagsunod sa pamantayan ng LTO. Sa halip na resibo, makatatanggap ang mga rider ng certification bilang patunay ng rehistrasyon. Lahat ng naunang alituntunin na salungat sa bagong direktiba ay aamyendahan o tatanggalin.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






