Tiniyak ni Isko Moreno ang suporta para sa mga magsasaka sa Northern, Central Luzon

0
306

Nangako ang Aksyon Demokratiko standard-bearer na si Francisco “Isko Moreno” Domagoso ng buong suporta at proteksyon ng gobyerno sa mga magsasaka mula sa Northern at Central Luzon kung siya ay mahahalal sa darating na Mayo 2022.

Sa kanyang pagbisita sa mga lalawigan ng La Union at Pangasinan, na natapos noong Biyernes, nangako si Domagoso na uunahin niya ang kalagayan ng mga magsasaka upang matiyak ang food security sa bansa.

Aniya, nakakapanghinayang mapansin na ang mga produktong sakahan mula sa mga rehiyon ay unti-unting natatalo ng mga imported na produkto na madaling makuha sa merkado.

“Tingnan mo yung bawang, iba na, at marami ng nawawala dala ng importation nung mga Taiwan garlic at garlic sa China. Sa Central Luzon, umiiiyak ngayon ang ating magsisibuyas, dahil baha ang imported na sibuyas, dahil pinayagan natin. Ang daming imported na sibuyas sa palengke dahil pinayagan natin,” dagdag niya.

Kung magkakaroon siya ng pagkakataon na maglingkod bilang pinuno ng bansa, sinabi ni Domagoso na isa sa kanyang mga unang polisiya ay ang pagbibigay ng malinaw na guidelines sa mahigpit na pag-angkat ng mga produktong agrikultural.

Sa ganitong paraan, aniya, mapoprotektahan ang mga lokal na magsasaka at makatitiyak na ang mga lokal na produkto ng agrikultura ay bibigyan ng prayoridad sa merkado.

Idinagdag niya na siya ay magbabantay din sa iligal na smuggling ng mga produktong agrikultural.

Bibigyan ng tulong ang mga magsasaka upang matulungan silang mapababa ang gastos sa produksyon ng agrikultura na magreresulta sa pagbaba ng presyo ng mga lokal na ani upang makalaban ng parehas sa merkado.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.