MAYNILA — Ilang lugar sa bansa ang tinukoy ng Department of Energy (DOE) bilang mga posibleng pagtayuan ng mga nuclear power plants, kasunod ng pisikal na inspeksyon at teknikal na pagsusuri na isinagawa ng Nuclear Energy Program–Inter-Agency Committee (NEP-IAC), na pinamumunuan ng ahensya.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Science and Technology nitong Huwebes, Enero 22, sinabi ni DOE Director IV Patrick Aquino na kabilang sa mga nananatiling angkop na lokasyon ang ilang bahagi ng Bataan, kabilang ang kasalukuyang kinaroroonan ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP).
Binanggit din ni Aquino ang mga posibleng site sa Labrador, Pangasinan, ilang lugar sa Camarines Norte, pati sa Puerto Princesa, Palawan, at sa lalawigan ng Masbate.
Ayon sa DOE, target ng pamahalaan na magkaroon ng commercially operational nuclear power plants pagsapit ng 2032, na may paunang 1,200 megawatts na maidagdag sa power mix ng bansa. Layunin itong palawakin sa 4,800 megawatts pagdating ng 2050.
Ibinahagi rin ni Aquino na may ilang power generation companies na nagpahayag na ng interes sa nuclear energy, bagama’t wala pa umanong naisusumiteng pormal na aplikasyon. Aniya, hinihintay pa ng mga kumpanyang ito ang pag-usad ng PhilATOM bill at ang resulta ng ilang pag-aaral bago tuluyang magpatuloy.
Ayon pa sa kanya, nakikita ng mga investor ang nuclear power bilang isang low-carbon energy source na maaaring makatulong sa pagpapalawak ng renewable energy sa bansa.
Kasabay nito, patuloy na tinatalakay ng Senate Committee on Science and Technology, sa pamumuno ni Senador Bam Aquino, ang Senate Bill No. 1206 o ang panukalang Philippine Nuclear Liability Act.
Samantala, iginiit ni Dr. Carlo Arcilla, direktor ng DOST–Philippine Nuclear Research Institute (PNRI), na ang pinakamabilis na paraan para makapasok ang bansa sa nuclear energy ay ang muling pagbuhay sa BNPP, bagama’t aniya, naging biktima ito ng pulitika sa mga nagdaang taon.
Binigyang-diin din ni Arcilla ang mga salik na dapat isaalang-alang sa pagtatayo ng mga nuclear plant, kabilang ang pag-iwas sa mga lugar na malapit sa mga aktibong bulkan tulad ng Taal at Mayon, sa mga aktibong fault line, at sa mga flood-prone na komunidad.
Dagdag pa niya, mahalaga ang pahintulot ng lokal na komunidad, kabilang ang pagkuha ng Environmental Compliance Certificate (ECC), na kinakailangang dumaan sa public consultation.
Noong Setyembre 2025, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang batas na lumikha sa Philippine Atomic Energy Regulatory Authority (PhilATOM), isang independent at quasi-judicial body na mangangasiwa sa ligtas na paggamit ng nuclear energy at radiation sources sa bansa.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






