Tinukoy ni Marcos ang 15 contractors na nakakuha ng pinakamalaking flood control projects

0
823

MAYNILA. Pinangalanan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 15 nangungunang contractor na nakakuha ng pinakamaraming flood control projects sa bansa, kung saan umabot sa P100 bilyon o 20% ng kabuuang P545 bilyong pondo ngayong taon para sa mga proyektong ito ang napunta lamang sa kanila.

Sa press conference sa Malacañang, sinabi ng Pangulo na may 2,409 kuwalipikadong bidder para sa flood control projects, ngunit ang malaking bahagi ng pondo ay naipon lamang sa piling kontratista. Kabilang sa mga ito ang Legacy Construction Corp.; Alpha & Omega General Contractor & Development Corp.; St. Timothy Construction Corp.; QM Builders; EGB Construction Corp.; Topnotch Catalyst Builders Inc.; Centerways Construction & Development Inc.; Sunwest Inc.; Hi-Tone Construction and Development Inc.; Triple 8 Construction & Development Corp.; Royal Crown Monarch Construction & Supplies Corp.; Wawao Builders; MG Samidan Construction; L.R. Tigqui Builders Inc., at Road Edge Trading & Development Services.

Lima sa mga nasabing kumpanya, Legacy Construction, Alpha & Omega, St. Timothy, EGB, at Road Edge Trading ay halos may proyekto sa bawat rehiyon ng bansa.

Batay sa datos na ipinrisinta ng Pangulo, nangunguna ang Bulacan sa may pinakamaraming flood control projects na may 668, kasunod ang Cebu (414), Isabela (341), Pangasinan (313), Pampanga (292), Albay (273), Leyte (262), Tarlac (258), Camarines Sur (252), at Ilocos Norte (224).

Kasabay nito, inilista rin ni Marcos ang mga probinsyang madalas bahain kabilang ang Pampanga, Nueva Ecija, Pangasinan, Tarlac, Bulacan, Maguindanao, North Cotabato, Oriental Mindoro, at Ilocos Norte.

Pinuna ng Pangulo na may 6,021 proyekto na nagkakahalaga ng P350 bilyon ang walang malinaw na detalye kung anong uri ng flood control project ang isasagawa. Mayroon ding mga proyektong magkapareho ang halaga ng kontrata kahit magkaiba ang lokasyon.

Ayon sa datos, kabilang sa mga rehiyong may pinakamaraming proyekto at mataas na paggastos ay ang National Capital Region (1,058 projects – P52.57 bilyon), Region III (1,617 projects – P98.01 bilyon), at Region V (866 projects – P49.61 bilyon).

Inatasan ni Marcos ang imbestigasyon sa 50 flood control projects na iisang contractor lamang ang natukoy at magkakatulad ang contract cost sa iba’t ibang lugar. Kinuwestiyon din niya kung bakit mas maraming proyekto ang nailaan sa mga lugar na hindi madalas bahain kumpara sa mga lugar na madalas bahain.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.