Tirador ng 7-Eleven sa Binangonan, timbog sa Rizal PNP

0
429

Binangonan, Rizal. Timbog ang suspek sa talamak na holdapan ng mga 7-Eleven stores sa bayang ito at iba pang mga kalapit bayan nito.

Ang  suspek na dinakip ng mga tauhan ng Binangonan Municipal Police Station (MPS) sa pangunguna ng hepe nito na si PLTCOL Rodolfo G. Santiago ay kinilalang si Moneth Aguado Landicho.

Batay sa report ng Binangonan MPS, nagpapatrulya sina Patrolman Tablante at PSSG Hilario sa kahabaan ng Barrio Road, Brgy. Tayuman, Binangonan, Rizal dakong ika-7 ng gabi noong Marso 1 ng nakasalubong nila ang isang babae na walang suot na facemask. Nilapitan ni Pat Tablante ang babae at sinabihan na magsuot ng facemask ngunit ito ay tumakbo. Hinabol ito ng pulis ngunit sa proseso ng pag-aresto sa babae, isang lalaki ang humarang sa mga pulis ngunit agad itong dinakip. 

Nahalughog sa bag na dala ni Landicho ang isang caliber 38 revolver na may kargang tatlong bala at isang pirasong papel kung saan ay nakasulat ang mensaheng: “Bigay nyo pera walang maingay sisigaw kung ayaw mamatay automatic may mangyayari.”

Napag-alaman sa imbestigasyon na ang suspek na si Landicho ang nasa likod ng mga serye ng robbery hold-up sa mga 7-Eleven convenience stores sa Binangonan at mga karatig bayan nito.

Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Art.151 ng RPC, RA 10591 in relation to Omnibus Election Code ng COMELEC. Samantalang ang lalaking humarang sa mga pulis na kinilalang si  Marlo Jun Laureano ay makakasuhan ng paglabag sa PD 1829 o Obstruction of Justice.

Nananawagan ang Rizal PNP na mag report sa kanilang istasyon ang mga naging biktima ni Landicho at magbigay ng salaysay upang masampahan ito ng kaukulang kaso.

Kaugnay nito, ang Rizal PNP sa pamumuno ni PCOL Baccay ay umaapela sa publiko na makipagtulungan sa ating mga kapulisan upang maagapan at masolusyunan ang iba’t ibang uri ng kriminalidad sa lalawigan ng Rizal.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.