Tirador ng motor, nahuli habang namamasyal

0
131

GMA, Cavite. Arestado ng pulis ang isang magnanakaw ng motosiklo habang namamasyal gamit ang ninakaw na sasakyan mula sa isang factory worker sa Brgy. Malia, bayang ito sa Cavite, kamakalawa.

Ang suspek, na kinilalang si “Michael,” 34-anyos at residente ng Brgy. Delas Alas, GMA, Cavite, ay nahuli habang sakay ng motorsiklong Mitsubishi Icon 110 na may plate number D268BK. Ayon sa ulat ng pulisya, 11:05 ng tanghali nang magtungo si Anthony Vasquez, 34, isang factory worker mula sa Brgy. Bancal, Carmona, Cavite, sa himpilan ng pulisya upang ireport ang pagkawala ng kanyang motorsiklo.

Sa pahayag ni Vasquez, 12:30 ng gabi nang umalis siya sa basketball court ng kalapit na Brgy. Malia upang manood ng liga ng basketball. Iniwan niya ang kanyang motorsiklo sa gilid ng bahay ng kanyang kaibigan, ngunit sa kanyang pagbabalik, ay laking gulat niya nang wala na ang sasakyan.

Agad na dumulog si Vasquez sa barangay at hindi nagdalawang isip na hanapin ang kanyang motorsiklo. Natagpuan niya ito sa Luzon Avenue ng Brgy. Maderan, kaya’t humingi siya ng tulong sa pulisya. Sa pagresponde ng mga awtoridad, naabutan nila ang suspek na tila namamasyal gamit ang nawawalang motorsiklo. Agad siyang hinuli at kasalukuyang nakakulong.


Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.