Traffic enforcer pinatay ng sinitang riding-in-tandem

0
299

TANZA, Cavite. Tatlong bala ang tumama sa ulo at katawan ng isang traffic enforcer matapos barilin ng dalawang lalaking lasing na magka angkas sa motorsiklo na kanyang sinaway dahil sa paglabag sa batas-trapiko sa harap mismo ng isang kilalang mall sa bayang ito sa Cavite noong isang araw ng hapon.

Lumikha ng tensiyon sa harap ng mall ang sunud-sunod na putok naikinamatay ng biktima na si William Mentes Quiambao, isang traffic enforcer ng Tanza Office for Public Safety at residente ng Brgy. Tres Cruses sa nasabing bayan.

Ang mga suspek na nakilalang sina Joseph Tahimic Llagas, residente ng St. John Subdivision, Brgy. Biga Tanza, at Aries Plomos Carlos, parehong nasa tamang gulang, ay kasalukuyang tinutugis ng pulisya.

Ayon sa ulat ng Tanza Police, naganap ang insidente bandang 5:50 ng hapon habang nasa tungkulin ang biktima at ang kanyang mga kasamahan sa pagpapatupad ng trapiko sa lugar na iyon.

Sa imbestigasyon, nahuli ng biktima ang mga suspek na magka angkas ng walang suot na helmet at hindi rin maayos ang pagmamaneho ng motorsiklo.

Sa isang video na kumalat sa social media mula sa mga saksi ng pangyayari, makikitang nagkaroon ng alitan ang mga enforcers at nagpakita ng matinding galit ang mga suspek, sinubukan pang sagasaan ang biktima.

Sa isa pang video, makikitang pinagtulungan ng mga traffic enforcers na awatin ang isa sa mga suspek ng biglang may sumuntok sa suspek na isa pang enforcer, hanggang sa narinig ng mga tao ang sunud-sunod na putok ng baril.

Gayunpaman, batay sa imbestigasyon, bumaba ang mga suspek mula sa motorsiklo at agad na kinuha ni Llagas ang baril na nasa bewang ng kasamang si Carlos, pagkatapos ay pinagbabaril sa ulo at katawan ng biktima.

Nang mahandusay ang trapik na tagapagpatupad na puno ng dugo, agad na tumakas ang mga suspek sa itim na Mio i125 motorsiklo na may temporary plate number  na 0401-0364688.

Agad na dinala sa Tanza Specialist Medical Center ang biktima ngunit idineklarang dead-on-arrival.

Nakuha sa crime scene ang isang basyo ng.45 caliber.

Sa hot pursuit operations ng pulisya, nakita ang motorsiklo na ginamit ng mga suspek na iniwan sa Casanueva, Brgy. Biga, Tanza, Cavite.

Kaugnay nito, naglabas ang lokal na pamahalaan ng Tanza ng pabuya na nagkakahalaga ng P100,000 para sa sinumang makapag tuturo sa mga suspek.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.