Traffic enforcer sinagasaan ng sinitang bus sa Cavite, patay!

0
219

DASMARIÑAS CITY, Cavite. Nalasog ang katawan ng isang traffic enforcer matapos masagasaan ng sinita nitong pampasaherong bus sa tapat ng isang mall sa Pala-Pala, Aguinaldo Highway, Brgy. Sampaloc 1, sa lungsod na ito, nitong Huwebes.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, alas-2 ng hapon, kasalukuyang nagpapatupad ng batas trapiko ang biktimang kinilalang si Alfredo Datoon, miyembro ng Traffic Management Unit ng nasabing lungsod, nang sitahin nito ang Erjohn & Almark passenger bus na may plate number UWN 117 na minamaneho ng suspek na si Rollie Vergara, residente ng Brgy Galicia 2, Mendez, Cavite.

Sinita umano ni Datoon ang bus matapos magsakay sa “No Loading Zone.” Nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng traffic enforcer at driver. Agad na pinaharurot ni Vergara ang minamanehong bus na nagresulta sa pagkakasagasa at pagkakaladkad ng biktima, na ikinasawi nito.

Hawak na ng pulisya si Vergara at patuloy pang iniimbestigahan ang insidente upang matukoy kung sinadya nga ba ang pagsagasa kay Datoon, lalo pa at may mga nagsasabing nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawa bago mangyari ang malagim na insidente.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.