Trak ng LGU Sariaya, kinumpiska dahil sa ilegal na pagku-quarry

0
174

LUCENA CITY, Quezon. Kinumpiska ng Provincial Mining and Regulatory Board (PMRB) at Quezon Police Provincial Office (QPPO) ang isang dump truck na pinaniniwalaang pagmamay-ari ng Lokal na Pamahalaan ng Sariaya matapos mahuli sa ilegal na operasyon ng pagku-quarry sa lalawigan ng Quezon, sa kabila ng umiiral na moratorium.

Ayon sa ulat ng QPPO, ang nasabing dump truck ay may laman na 18 kubiko ng bato na hinihinalang kinuha mula sa paanan ng Mt. Banahaw. Ang mga bato ay para sana sa proyekto ng lokal na pamahalaan, ayon sa pahayag ng driver na si alyas San Pedro, 51, at pahinanteng si alyas Rodelito, parehong residente ng Barangay Sto. Cristo, Sariaya, Quezon.

Sinabi ni Col. Ledon Monte, hepe ng QPPO, na ang nasabing operasyon ay labag sa Executive Order No. 20 series of 2024 o “An Order Declaring a Moratorium on Quarry Operations in the Municipality of Sariaya” na ipinalabas ni Quezon Governor Angelina Tan noong Abril 29, 2024.

“Nahuli sila na walang maipakitang kaukulang permit para sa kanilang kargamento,” ayon kay Col. Monte. “Ito ay malinaw na paglabag sa kautusan ng gobernador.”

Samantala, agad namang pinabulaanan ni Sariaya Mayor Marcelo Gayeta na pagmamay-ari ng lokal na pamahalaan ang nasabing trak. Aniya, “Hindi pag-aari ng LGU Sariaya ang trak na pinigil ng PMRB at QPPO, at walang kaugnayan ang lokal na pamahalaan sa anumang ilegal na pagku-quarry sa paanan ng Mt. Banahaw.”

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.