MAYNILA. Gumagawa ng hakbang ang Department of Foreign Affairs (DFA) upang mapalaya ang siyam na Pilipinong tripulante ng barkong MV Eternity C na kasalukuyang bihag ng grupong Houthi sa Yemen.
Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Eduardo Jose de Vega, may indikasyon na ang mga tripulante ay nasa Sanaa, Yemen at hawak ng mga militanteng Houthi.
“Our Honorary Consul in Yemen has been assured they are well. He is working to see them, we are working for their release, with the help of friendly governments,” ayon kay De Vega.
Ang MV Eternity C ay may sakay na 22 tripulante, kabilang ang 21 Pilipino, nang ito ay salakayin ng mga drone at rocket-propelled grenade ng mga Houthi sa baybayin ng Yemen. Noong Hulyo 16, walo sa mga Pilipinong tripulante ang naibalik na sa bansa.
Sa unang bahagi ng taon, pinalaya rin ng Houthis ang 17 Pilipinong seafarer mula sa barkong MV Galaxy Leader matapos silang bihagin nang mahigit 14 na buwan. Ang pagpapalaya ay isinakatuparan sa tulong ng pamahalaan ng Oman, kasunod ng ceasefire agreement sa pagitan ng Hamas at Israel, na siya umanong kondisyon ng mga Houthi noon para sa pagpapalaya ng mga bihag.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






