Nahuli ng mga awtoridad ang isa pang big-time na shipment ng ilegal na droga na dinala sa pamamagitan ng courier service kasunod ng pagka aresto sa claimant ng isang pakete na naglalaman ng PHP89.5 million na halaga ng shabu sa Las Piñas City.
Sa isang pahayag kanina, sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Jonnel Estomo, na ang suspek na si Jolle Ann Cuer, 25, ay naaresto sa loob ng isang subdivision sa Brgy. Almanza Dos, Las Piñas City sa isinagawang controlled delivery operation ng PNP Drug Enforcement Group, Ninoy Aquino International Airport- Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) at ang lokal na pulisya noong Miyerkules ng hapon.
Nasamsam sa operasyon ang 13.175 kilo ng shabu, 48 self-sealing pouch at isang mobile phone.
Batay sa impormasyong natanggap ng NAIA-IADITG, ang kontrabando ay ipinadala ng isang Micheal Olanrewaju mula sa Nigeria.
Ang mga nakumpiskang ebidensya ay agad na isinumite sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Laboratory Service para sa qualitative at quantitative examination samantalang ang naarestong suspek ay isinailalim sa drug test habang nakabinbin ang pagsasampa ng reklamo para sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri ni Estomo ang matagumpay na pagsasagawa ng operasyon at nagbabala na paiigtingin pa ang anti-illegal drug operations. (PNA)
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.