Tunay na ina ni Mayor Guo, tinutukoy sa Senado

0
481

MAYNILA. Naglabas si Sen. Risa Hontiveros noong Huwebes ng mga dokumento na nagpapakita ng posibleng pagkakakilanlan ng ina ni Mayor Alice Guo, na si Lin Wen Yi, isang incorporator na sangkot sa maraming negosyo ng mayor sa Bamban, Tarlac.

Ito ay matapos ang panayam ni Sen. Win Gatchalian, kung saan isiniwalat niya na maaaring patunayan ng mga residente ng Valenzuela na noong naninirahan pa sa lungsod ang alkalde, isang Lin Wen Yi ang sinasabing ina nito.

“The identity of Mayor Alice’s mother is crucial to this whole saga. Kung Chinese pala ang ina, at Chinese umano ang ama, mapapatunayan na hindi nga talaga Pilipino si Mayor. Kung totoo ito, ang mas malaking tanong: bakit kinailangan niyang magkunwari? Bakit may pagtatago at pagsisinungaling?” ani Hontiveros.

Sinabi ni Hontiveros na ang mga co-incorporator ni Mayor Guo ay hindi bababa sa pito sa kanyang mga negosyo — katulad ng QJJ Group of Companies, QJJ Farms, QJJ Embroidery, QJJ Meat Shop, 3LIN-Q Farm, QJJ Slaughterhouse, at QSeed Genetics — kasama ang kanyang mga kapatid na sina Shiela L. Guo at Siemen L. Guo, ang kanyang ama na si Jian Zhong Guo, at itong si Lin Wen Yi.

“Kung nagawang magsinungaling ni Mayor Alice tungkol sa mga kapatid niya, hindi malayong mangyari na tinatago niya rin ang totoong pagkatao ng nanay niya. Nagsisinungaling siya sa nakalipas na dalawang pagdinig. Ang daming imbento, halos wala nang lumalabas na totoo sa bibig niya,” ani Hontiveros.

“Magkakamag-anak ba silang lahat? Is this one big, dubious family business? As Sen. Win also noted, travel records show that Jian Zhong Guo and Lin Wen Yi travel together at least 170 times in the span of six years. Business partner lang nga ba o baka asawa talaga?” tanong pa ni Hontiveros.

Ibinahagi rin ni Hontiveros ang isang dokumento ng Bureau of Internal Revenue na nagpapatunay sa mga petsa ng kapanganakan at address ng mga kasamang incorporator ni Mayor Guo, na sinasabing mga miyembro ng kanyang pamilya.

“1971 ang birth year nitong Lin Wen Yi. Kung siya ang tunay na ina, 15 years old lang siya nang iniluwal si Alice. At kung siya din ang ina ni Sheila na aminado si Alice na kapatid niya, aba 13 years old lang siya nung niluwal si Sheila? Unless ito ay gawa-gawa lang lahat, kathang isip ng isang sindikatong Tsino na pinahintulutan ng mga kawani ng gobyerno,” ani Hontiveros.

“May isa pa kaming source na nagsasabi na ‘Winnie’ ang tawag sa nanay ni Mayor Guo. Filipinoized version kaya ito ng Lin Wen Yi? Bakit kaya sinisikreto? Sino ba itong pamilya na ito? Bakit nakapalibot sa misteryo? We will get to the bottom of this,” pagtatapos ng senador.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo