MAYNILA — Iginiit ni Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang determinasyon na tuldukan ang operasyon ng mga fixer sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan, na aniya’y matagal nang nagpapahirap sa publiko at nagpapabagal sa mga transaksyon sa gobyerno.
Ayon sa Pangulo, tila naging bahagi na ng sistema ang pagdaan sa mga fixer upang makaiwas sa mahabang pila at oras ng paghihintay sa mga ahensya ng gobyerno. Dahil dito, maraming mamamayan ang napipilitang magbayad ng “padulas” upang mapabilis ang kanilang papeles at aplikasyon.
Naniniwala si Marcos na may sabwatan umanong nagaganap sa ganitong kalakaran, partikular sa pagitan ng mga fixer at ilang taga-loob o empleyado ng isang tanggapan. Aniya, hinahati umano ng mga sangkot ang perang ibinabayad ng kliyente kapalit ng mabilis na pagproseso ng dokumento.
Binigyang-diin ng Pangulo na nais niyang wakasan ang ganitong sistema na aniya’y naging bahagi na ng burukrasya sa paglipas ng panahon.
Bilang solusyon, itinulak ni Marcos ang mas malawak at ganap na pagpapatupad ng digital transactions sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan. Ayon sa kanya, hindi lamang nito mapipigilan ang operasyon ng mga fixer kundi mapapabilis din ang pagproseso ng mga dokumento at mababawasan ang direktang “person-to-person contact” sa mga transaksyon.
Sinabi ng Pangulo na ang digitalisasyon ay mahalagang hakbang tungo sa mas transparent, episyente, at maaasahang serbisyo publiko para sa mga Pilipino.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






