Umararo sa 60 Pinoy bikers sa Kuwait sumuko na

0
188

KUWAIT CITY. Sumuko na sa mga awtoridad ang driver ng SUV na sumagasa sa grupo ng mga Pinoy bikers sa Kuwait, sinabi ng opisyal ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas (DFA) nitong Linggo.

Sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega na maaaring kasuhan ang driver kung mapapatunayan na siya ay walang ingat sa pagmamaneho sa oras ng aksidente na kinasasangkutan ng nasa 50 Pinoy bikers.

“’Yung driver, nag-surrender na. Hindi pa malinaw kung ano ang sinabi niya pero tingin natin Kuwaiti. Kusang loob na nag-surrender na sa mga pulis kaya ini imbestigahan ng pamahalaan ng Kuwait, tinitignan ang mga nakuhang video ng aksidente,” ayon sa kanya sa isang panayam sa radyo.

Sinabi ni De Vega na pumihit ang SUV at bumangga sa grupo ng mga bikers na nasa bike lane.

Labing-isa sa mga biktima ay dinala sa dalawang ospital, ayon sa kanya. Pito dito ang naka-discharge na, dalawa ang nasa ilalim pa ng obserbasyon, habang ang dalawa naman ay nasa kritikal na kondisyon.

“Mayroon isa may head trauma, multiple abrasion and brain hemorrhage. Pero hindi naman sinabi na emergency, araw-araw nagtse-check ang embassy,” ayon pa rin kay de Vega.

Nauna dito, nasugatan ang labinlimang Pinoy bikers matapos araruhin ng isang SUV sa Kuwait noong Biyernes ng umaga. Tumatakbo ang mga siklista sa bike lane nang bigla silang banggain ng SUV at hindi umano huminto ang driver kahit nakasagasa.

Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ng Kuwait kung sinadya o aksidente ang pag-araro sa mga Pinoy.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo