Umiwas sa mapaminsalang lamok

0
636

Uso na naman ang dengue ngayong panahon ng tag ulan. Hayaan ninyong magpaalala ako na hindi lamang Covid virus ang dapat iwasan. Iwasan din ang pagkakaroon ng trangkaso at higit sa lahat ay mag ingat sa dengue.

Ang dengue ay hindi dapat balewalain dahil ito’y nakamamatay kung di agad made-detect at malulunasan.

Ang ilan sa mga senyales ng dengue ay pananakit ng ulo, mataas na lagnat na umaabot sa 40-41 °C at tumatagal ng hanggang 2-7 araw at maging mataas ng 40 – 41°C, pamumula ng mukha, matinding  pananakit ng sikmura, patuloy na pagsusuka, mabilis na paghinga, at kapag malala na ay pagdurugo ng ilong o gilagid. 

Mga babaeng lamok lang ang na­ngangagat. Kailangan kasi nila ng protein na galing sa dugo para makapag-reproduce sila. Hindi natin alam ang kasarian ng lamok. Kaya paano natin maiiwasan ang mga ito?  Maging masipag tayo sa paglilinis ng ating paligid. Karaniwang namamahay ang lamok sa madilim na lugar, tubig sa estero, lumang gulong at mga boteng may tubig. Nakabubuti na suriin natin ng minsan sa isang linggo ang ating paligid at linisin o itaob o itapon ang lahat ng pwedeng tiningan ng tubig at pangitlugan ng lamok.

Sa amin sa farm ay may mga palaka na kumakain ng mga lamok. Ang mga sapot ng gagamba ay nakakatulong din para ma-trap ang lamok at maging pagkain ng gagamba. Ang mga butiki ay masipag ding manghuli ng lamok kaya huwag natin silang papatayin.

Makatutulong din ang pagtatanim ng mga halaman sa paligid na pantaboy ng lamok gaya ng oregano, citronella, rosemary, basil, lemongrass o salay at mint. Malaking tulong ang nga natural na halaman na ito para sa kaligtasan natin sa lamok. 

Magsuot ng mga mahahabang damit, medyas at long sleeves kahit nasa loob bahay o kung lumalabas ng tahanan. Magpahid ng insect repellent. Pumili ng may DEET o langis ng lemon eucalyptus.

Kung maaari ay maglagay tayo ng screen sa mga pintuan at bintana. Mainam din kung gagamit ng kulambo sa pagtulog.

Ang thermal fogging ng Insecticides ay isang vector control strategy na ginagamit ng local government units o barangay para labanan ang dengue. Ang pamamaraang ito ay ginagamit sa panahon ng paglaganap upang pigilan ang pagdami ng potentially infectious adult mosquitoes at gambalain ang transmission cycles.

Ang pag iingat sa ating mga pamilya at pagmamalasakit sa kapaligiran ay nagpapakita ng pagmamahal kaya gawin natin ang nararapat para sa ikabubuti ng lahat.

Maging aware tayo na ang panahon ngayon ay nangangailangan ng matinding pagkalinga sa isa’t isa. Na tayo ay may mabuting magagawa basta may malasakit sa pamilya at sa bawat isa.

Author profile
Joel Frago

Si Joel Frago ay isang rehistradong Nurse at Midwife. Siya ay isa ring Pastor.  Naging magsasaka siya mula noong 2004 at nagkamit ng mga pagkilala at prangal sa larangan ng farming.  Pinarangalan siya bilang isa sa Ten Outstanding Pableño noong 2018.  Siya ang nataguriang Kusinero de Bukid ng Forest Wood Garden, isang agritourism destination na dinrayo ng mga turista mula sa loob at labas ng bansa.