Unang bagyo ng 2026, maaaring mabuo ngayong Linggo — PAGASA

0
4774

MAYNILA — Posibleng mabuo ang unang tropical weather disturbance ng 2026 ngayong linggo, matapos sabihin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na may kundisyon para sa pagbuo ng low pressure area (LPA) sa silangang bahagi ng bansa sa mga susunod na araw.

Batay sa pinakahuling public weather forecast ng PAGASA, maaaring mabuo ang isang LPA sa pagitan ng Miyerkules at Biyernes, na posibleng magdala ng pag-ulan sa Eastern Visayas, Bicol Region, at silangang bahagi ng Mindanao. Kapag ito ay pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) at umabot sa tropical depression category, ito ang tatawaging “Ada,” ang unang pangalan sa listahan ng bagyo para sa 2026.

Ayon sa PAGASA, wala pang binabantayang LPA sa loob o labas ng PAR sa pagsisimula ng linggo, subalit patuloy na mino-monitor ang pag-usbong ng ulap at sama ng panahon sa silangan ng Mindanao at karagatang Pasipiko.

Samantala, patuloy na nakaaapekto ang Northeast Monsoon o Amihan sa Northern at Central Luzon, na magdadala ng maulap hanggang bahagyang maulap na kalangitan na may mahihinang pag-ulan, lalo na sa gabi at madaling-araw.

Kasabay nito, inaasahang magdudulot ang Shear Line ng kalat-kalat hanggang katamtamang pag-ulan sa Cagayan Valley, Aurora, at ilang bahagi ng Quezon, habang ang Easterlies ay patuloy na magdadala ng ulan sa Bicol Region at Eastern Visayas.

Nagbabala ang PAGASA na maaaring lumakas ang ulan sa ilang lugar, na posibleng magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa, partikular sa mga mabababang lugar at bulubundukin.

Batay sa kasalukuyang forecast models, kung tuluyang mabuo at lumakas ang weather disturbance, maaari itong manatili sa silangan ng Eastern Visayas hanggang Biyernes, bago kumilos patungong Southern Luzon o manatili sa karagatan pagsapit ng weekend.

Posible rin ang pagkurba nito patungong Central Luzon at karagatang hilagang-silangan ng bansa, lalo na kung makikipag-ugnayan sa shear line, subalit binigyang-diin ng PAGASA na mataas pa ang antas ng kawalan ng katiyakan sa magiging galaw nito.

Kung tatawid sa Luzon, inaasahang makararanas ang Metro Manila ng maulap na kalangitan na may paminsang pag-ulan, na maaaring lumakas pagsapit ng weekend.

Ayon sa January–June 2026 climate outlook ng PAGASA, inaasahang zero hanggang isang bagyo lamang ang papasok sa PAR ngayong Enero, at hanggang walong tropical cyclones ang maaaring makaapekto sa bansa sa unang kalahati ng taon.

Pinapayuhan ang publiko, lalo na ang mga naninirahan sa flood- at landslide-prone areas, na manatiling alerto at sumubaybay lamang sa opisyal na weather bulletins ng PAGASA para sa pinakabagong impormasyon.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo