Unang batch ng senador sa Commission on Appointments, itinalaga

0
243

MAYNILA. Pinangalanan na ng Senado ang unang batch ng mga senador na uupo bilang miyembro ng Commission on Appointments (CA) sa isinagawang plenary session.

Kabilang sa contingent ng Senado sina Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, JV Ejercito, Jinggoy Estrada, Bong Go, Rodante Marcoleta, Imee Marcos, Raffy Tulfo, Joel Villanueva, at Mark Villar.

Pansamantalang iniurong ni Senador Alan Peter Cayetano ang kanyang nominasyon upang magbigay-daan sa mas malawak na representasyon ng Senate minority bloc. “I will withdraw for today and then maybe in a day or two, the minority will be able to also, with us, come up with a consensus on the right representation of the 12-member contingent of the Senate, plus of course the Senate president as the chair of the Commission on Appointments,” pahayag niya.

Nagpahayag naman ng pangamba si Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III sa naging hakbang ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na maghalal ng 10 senador mula sa majority bloc. Aniya, dapat sundin ng Senado ang desisyon ng Korte Suprema hinggil sa party representation. “If this body elects to follow the SC decision on the articles of impeachment, why can’t they follow the decision of the SC when it comes to computation of membership in CA?” dagdag ni Sotto.

Ipinaliwanag naman ni Villanueva na ang alokasyon ay nakabatay sa 80-20 formula para sa majority at minority. “80% of 12 members would be equal to 9.6 members which may be rounded up to 10 members. 20% of 12 members would equal to 2.4 members which rounded out to 2,” ani ng majority leader.

Ayon sa Article 6, Section 18 ng 1987 Constitution, ang CA ay binubuo ng Senate President bilang ex officio chairman, 12 senador, at 12 kinatawan ng Kamara, na hinahalal batay sa proportional representation mula sa political parties at party-list organizations.

Mandato ng CA na aprubahan o tanggihan ang mga appointment na gagawin ng Pangulo, bilang bahagi ng mekanismong “checks and balances” sa pamahalaan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.