BALAYAN, Batangas. Naiulat ang unang kaso ng Mpox virus sa bayang ito sa Batangas, noong Agosto 27, 2024, ayon sa lokal na punong ehekutibo ng bayan.
Sa isang anunsyo sa Facebook, kinumpirma ni Balayan Mayor Emmanuel Salvador Fronda II na nagpositibo ang isang 12-anyos na batang lalaki sa CLIDE 2 variant ng mpox virus.
Ayon kay Mayor Fronda, nagsimulang makaranas ng mga sintomas ang bata noong Agosto 10, kaya agad itong nagpunta sa Rural Health Office para magpa-check-up. Noong Agosto 23, kinuhaan ng dugo ang bata at ipinadala sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para sa pagsusuri. Kinumpirma ng resulta noong Agosto 27 na positibo ang bata sa mpox.
Ang bata ay nagkaroon ng mga pantal sa mukha, pubic area, paa, binti, braso, at iba pang bahagi ng katawan, kasama ang ubo, lagnat, at pananakit ng katawan. Ayon sa Regional Epidemiology Surveillance Unit (RESU), walang history ng pagbiyahe, lokal man o sa ibang bansa, ang bata.
Sa kabila ng pagkakaroon ng kaso, inanunsyo ni Mayor Fronda na walang ipinatutupad na lockdown sa buong bayan ng Balayan. Pinaalalahanan niya ang pamilya ng bata na sumailalim sa 21-araw na quarantine upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
“Ang bata ay nagpapagaling na, at sinusuportahan ng LGU ang pangangailangan ng kanilang pamilya habang naka-quarantine sila, tulad ng pagkain at iba pang kinakailangang gamit,” ayon kay Irish Inciong, Public Information Officer ng Balayan.
Nauna dito, inanunsyo ng Department of Health (DOH) na may naitalang bagong kaso ng mpox mula sa isang 26-anyos na babae mula sa Metro Manila at isang 12-anyos na batang lalaki mula sa Calabarzon, na taga-Batangas.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.