Unang kaso ng Omicron subvariant FE.1 naitala sa PH

0
130

Naitala na ng Department of Health (DOH) ang unang kaso ng Omicron subvariant FE.1 sa bansa.

Batay sa pinakahuling ulat ng biosurveillance ng COVID-19 ng DOH, ang FE.1 ay isang sublineage ng XBB na idinagdag sa listahan ng mga variant na sinusubaybayan ng European Center for Disease Prevention and Control noong Hunyo 1.

Sa kasalukuyan, ang FE.1 ay kinikilala rin bilang XBB.1.18.1.1, na natukoy na sa 35 na bansa.

Gayunpaman, sinabi sa ulat ng DOH na wala itong nakikitang malaking pagkakaiba sa sakit na ipinapakita nito kumpara sa orihinal na variant ng Omicron.

“Limitadong impormasyon lamang ang available para sa variant na ito at kasalukuyang sinusuri ng mga mananaliksik ang FE.1 sa aspeto ng kakayahan nitong kumalat, pag-iwas sa immune system, at kakayahan nitong magdulot ng mas malubhang sakit,” ayon sa DOH.

Ang ulat ng biosurveillance ng DOH ay nagpapakita rin na natukoy ang 2,215 iba pang mga subvariant ng Omicron sa bansa.

Sa bilang na iyon, 1,939 ang itinuring bilang XBB. Natukoy din ng mga health authorities ang 206 na kaso ng BA.2.3.20, 34 bilang XBC, 4 bilang BA.5, 6 bilang BA.2.75, at 26 bilang iba pang mga sublineage ng Omicron.

Ito ang mga resulta ng mga sequence samples na inilabas ng Southern Philippines Medical Center at University of the Philippines – Philippine Genome Center mula Mayo 29 hanggang Hunyo 12.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.