Undas 2021 Coronavirus edition

0
468

Ang Undas o Araw ng mga Patay o Pista ng Patay ay tradisyunal na selebrasyon ng Pilipino tuwing Oktubre 31 hanggang  Nobyembre 1.  Sa araw na ito ay inaalala natin ang mga yumaong mahal sa buhay. Napupuno ito ng mga natatanging tradisyong Pilipino na naging bahagi na ng pagdiriwang para sa mga kaibigan at kapamilyang nauna na sa kabilang buhay. Matingkad na bahagi nito ang pagbisita sa mga puntod, pag aalay ng bulaklak, pagtirik ng kandila at pagdarasal na nawa ay nakarating sila sa langit.

Mahalaga ang okasyong ito sa kalendaryong Pilipino. Dahil ito ang mga araw ng pagsasama sama ng mga pamilya. Panahon ito ng pag uwi sa probinsya at araw ng mini family reunion. Araw ito ng pagluluto ng espesyal na sinukmani na maraming latik sa ibabaw.

Noong nakaraang Undas ay isinara sa publiko ang mga sementeryo dahil nakita na magiging super spreader ito ng Covid-19. Umasa tayo na ngayong taon ay tiyak na hindi pa rin tayo makararanas ng normal na Undas.

Huwag malungkot, may mga paraan upang maidaos natin ang Undas ng makahulugan at ligtas. 

Mag reschedule ng pagbisita sa sementeryo isang linggo pagkatapos ng Undas o dalawang linggo bago sumapit ito para makatiyak ka na konti lang ang tao sa sementeryong pupuntahan mo.

Agahan ang pag order o pagbili ng bulaklak at kandila. Tampok ang bulaklak at kandila kapag Undas. Alalahanin natin na maraming tao sa mga palengke at flower shops kapag malapit na ang Undas. Huwag ng sumabay sa karamihan ng mamimili.

Makipag zoom get together sa mga kamag anak at mahal sa buhay na hindi nakauwi. Dahil bawal pa ang mga pagtitipon, mag schedule ng group call at imbitahin ang mga kamag anak na sumali. Maaaring hindi kayo physically present ngayong Undas ngunit magkikita pa rin kayo at makakapag tsikahan online.

Magdasal ng taimtim sa bahay. Hindi matatawaran ang power ng  prayers. Nagbago ang tradisyunal na selebrasyon ng Undas ngunit ang mga dasal ay nananatiling mahalagang bahagi nito. Saan ka man naroroon, ang dasal ay isang offering na magbibigay ng higit na kahulugan sa All Souls Day.

Naalala ko ang sabi ng tatay ko noong siya ay nabubuhay pa sa edad na 96. “Anak, pag namatay ako, ‘wag ka ng uuwi para dadalawin ako sa sementeryo pag Undas. Gagastos ka pa at magbibiyahe ng malayo. Kasi wala naman ako sa sementeryo. Lupa na lang ang naroon. Ako na lang ang pupunta sa iyo kahit hindi Undas.”

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.