ROSARIO, Batangas. Patay sa engkwentro ang isang UP student na kasapi ng New People’s Army (NPA) at dalawang iba pa sa bayang ito kamakalawa.
Ayon kay Captain Michael Malacad ng Army’s 2nd Infantry Division (ID), habang isinasagawa ngmga miyembro ng 59th Infantry “Protector” Battalion (IB) ng Philippine Army ang Focused Military Operations (FMO) at security assistance sa Brgy. Leviste, Rosario, nasalubong nila ang humigit kumulang sa 10 miyembro ng CPP-NPA-NDF bandang-8:15 ng umaga nitong Martes Santo, na nauwi sa sagupaan.
Ayon sa report ni Brig. Gen. Erwin Alea ng 201st Infantry Brigade, ang mga rebelde ay kasapi ng Sub-Regional Military Area (SRMA)-4C na pinamumunuan ni Junalice Arante-Isita alyas “Ka Arya”, kalihim ng grupo ng Southern Tagalog Regional Party Committee (STRPC).
Sa engkuwentro, nasawi si Isita at dalawa pa na kinilalang sina Bernardo Bagaas alyas “Ka John Paul”, logistics officer ng grupo at Erickson Bedonia alyas “Ka Ricky”, miyembro ng SMRA-4C. Narekober mula sa engkuwentro ang isang M16 rifle, isang baby armalite, isang M4 Bushmaster rifle, anim na jungle packs, at wire sa paggawa ng Improvised Explosive Devices.
Bukod dito, si Isita ay political instructor ng STRPC’s Main Regional Guerilla Unit at pinuno ng Kilusang Larangan Guerilla (KLG) Silangan. May warrant of arrest siya sa Regional Trial Court (RTC) Branch 7 sa Batangas City kaugnay ng paglabag sa Republic Act (RA) 11479 o ang Anti-Terrorism Act of 2020.
Si Isita ay asawa ni Isagani Isita alyas “Yano”, lider ng STRPC’s Sinag 2 na napatay ng mga sundalo noong Hulyo 30, 2023 matapos manlaban habang isinisilbi ang warrant of arrest laban sa kanya sa Sariaya, Quezon.
Ang napatay na babaeng lider ng NPA na si Ka Arya ay taga-Brgy. Banaba, Padre Garcia, Batangas, nagtapos sa Lipa City National Science High School at kumuha ng kursong Bachelor of Science in Behavioral Science sa University of the Philippines (UP) Manila.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.