Updates sa kaso ni Bamban Mayor Alice Gou na inaakusahang espiya ng China

0
793

Lumutang ang pangalan ng isang maliit na bayan sa Tarlac na pumukaw sa pambansang pansin matapos akusahan ang kanilang alkalde ng pagiging espiya ng Tsina.

Ang Bamban ay isang tahimik na bayan sa hilaga ng Maynila. Si Alice Guo, ang kanilang alkalde, ay kilala bilang isang masipag at batang lingkod-bayan. Siya ay nakasalamin, may mahabang itim na buhok, at palaging nakangiti. Si Guo, 35 taong gulang, ay nagsasalita ng Tagalog nang walang puntong Chinese.

Kampante niyang pinamumunuan ang bayan ng Bamban, hanggang sa siya ay ipatawag upang tumestigo sa isang pagdinig ng Senado kamakailan. Natuklasan ng mga awtoridad na ang isang online casino sa kanyang bayan, na kilala bilang Pogo, ay isang front para sa isang scam center.

Noong Marso, ni-raid ng mga awtoridad ang pasilidad at nasagip ang halos 700 manggagawa, kabilang ang 202 Tsino at 73 iba pang dayuhan na pinilit magpanggap bilang mga online lovers. Ang Pogo ay Philippine Offshore Gambling Operator na ang mga kliyente ay mga mainland Chinese.

Ang mga negosyong ito ay lumaganap sa panahon ni Rodrigo Duterte na may malapit na ugnayan sa China. Ngunit sa ilalim ng kasalukuyang pangulo na si Ferdinand Marcos Jr., ang mga Pogo ay nasa ilalim ng masusing pagsusuri matapos matuklasan na ang ilan sa mga ito ay ginagamit bilang front para sa human trafficking at online scam operations.

Ang kaso ni Guo ay naganap habang umiinit ang tensyon sa pagitan ng Maynila at Beijing tungkol sa mga bahura at pulo sa South China Sea.

Natuklasan na si Guo ay may-ari ng kalahati ng lupain kung saan nakatayo ang Pogo, na nasa likod lamang ng kanyang opisina. Ayon sa kanya, ibinenta na niya ang lupain bago pa siya tumakbo bilang alkalde dalawang taon na ang nakalipas.

Ipinakita sa video ng halos walong ektaryang compound na may grocery, warehouse, swimming pool, at wine cellar. Ang mga scam center workers ay nagtatrabaho sa compound na may 36 na gusali.

Si Guo ay natuklasan ding may helicopter at Ford Expedition na nakarehistro sa kanyang pangalan ngunit tulad ng lupain, sinabi niyang matagal na niyang naibenta ang mga ito.

Matapos ang pagdinig ng Senado, tinanong ni Senador Risa Hontiveros kung si Guo ay isang “asset” ng Tsina batay sa kanyang mga “malabong” sagot tungkol sa kanyang personal at negosyo.

“No-one knows her. We wonder where she came from, that’s why we are investigating this, together with the Bureau of Immigration, because of the questions about her citizenship,” sabi ni Pangulong Marcos sa mga mamamahayag noong Huwebes.

Sinabi ni Guo sa mga mambabatas na hindi siya “coddler” o “protector” ng mga Pogo.

Kaunti lang ang kaalaman tungkol sa kanyang background, na hindi pangkaraniwan sa mga kanayunan ng Pilipinas, kung saan ang mga lokal na opisyal ay kadalasang kabilang sa mga political dynasties. Siya ay nasa kanyang unang termino bilang halal na opisyal.

Sinabi ng Commission on Elections na siya ay nagparehistro para bumoto sa Bamban noong 2021, isang taon bago siya tumakbo at nanalo bilang alkalde.

Ang apelyido niyang Guo ay hindi karaniwang apelyido ng mga Pilipinong may lahing Tsino. Bagaman sinakop ng Espanya, ang Pilipinas at Tsina ay may malalim na ugnayang pangkultura dahil sa siglong kalakalan. Sa katunayan, ang bansa ay tahanan ng pinakamatandang Chinatown sa mundo.

Sa ilalim ng pagtatanong ng mga senador, inamin ni Guo na ang kanyang birth certificate ay nairehistro lamang sa lokal na awtoridad noong siya ay 17 taong gulang na. Sinabi niyang ito ay dahil ipinanganak siya sa bahay, hindi sa ospital o klinika ngunit hindi niya ala kung saan ang lokasyon ng bahay. Hindi siya makapagbigay ng karagdagang detalye.

Sinabi niyang home-schooled siya sa loob lamang ng family compound kung saan sila nag-aalaga ng baboy. Ngunit hindi niya matandaan ang pangalan ng kanilang home school organization at nabanggit lamang ang isa sa kanyang mga guro.

Sinabi niyang ang kanyang ama ay Pilipino, ngunit sa mga rekord ng negosyo, ang kanyang ama ay nakilalang isang Chinese national.

“Maraming nagtatanong kung sino si Guo?” sabi niya sa isang campaign speech noong 2022, ayon sa GMA News. “Ako si Alice Guo na tubong Bamban. Ang nanay ko ay Filipina, ang tatay ko ay Tsino.” ayon sa kanya.

Si Hontiveros ay isa sa mga nagtanong kay Guo tungkol sa kanyang mga rekord ng kapanganakan at edukasyon. Nang pinilit niya si Guo na maging mas tiyak, sumagot lamang ito ng “Babalikan ko po kayo.”

“Labis akong nababahala sa malalabong mga sagot ni Mayor Guo, lalo na tungkol sa kanyang pinagmulan,” sabi ni Hontiveros sa mga mamamahayag. “Si Mayor Alice ba at ang mga katulad niyang may misteryosong pinagmulan ay nagtatrabaho bilang asset ng Tsina na inilagay sa ating bansa upang maimpluwensiyahan nila ang pulitika sa Pilipinas?”

“Mahirap paniwalaan si Mayor Alice Guo ng Bamban, kapag ang sagot niya sa aming mga tanong ay palaging ‘Hindi ko alam’ at hindi niya maalala kung saan siya tumira.” sabi ni Senador Sherwin Gatchalian, sa nasabi ring pagdinig.

Hindi nagbigay ng komento si Guo tungkol sa paratang ng espiya at halos hindi nagpapakita sa media mula noong kanyang pagharap sa Senado noong nakaraang linggo.

Sinabi ni Marcos na ang imbestigasyon kay Guo ay naglalayong pigilan ang mga dayuhan mula sa paghawak ng pampublikong posisyon sa bansa. Sinabi niyang hindi lamang isang bansa ang kanilang tinitignan.

“Hihigpitan natin ang pagpapatupad ng batas. Nariyan ang mga batas, ang problema ay iniisip ng ilan na maaaring magdala ng pera ang mga taong ito, o kaya naman ay sinusuhulan sila,” sabi ni Marcos.

Ang Commission on Elections at ang Solicitor General ay nag iimbestiga na sa kaso ni Guo upang malaman kung siya ay ilegal na humahawak ng pampublikong posisyon. Kung mapatunayan, maaari siyang tanggalin sa pwesto.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.