UPLB student na napatay sa Oriental Mindoro, kinilala ng militar

0
603

Ipinaalam ng militar nitong Miyerkules ang pagkakakilanlan ng UPLB student at miyembro ng LGBTQ na napatay sa isang engkwentro sa Oriental Mindoro.

Sa isang ‘virtual press conference’ ng Integrated Communications Operations Center (ICOC) ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), kinilala ni Brig. Gen. Randolph Cabangbang, commander ng Army’s 203rd Infantry Brigade, ang yumaong estudyante na si Jethro Isaac Ferrer o mas kilala sa pangalang “Bondo,” na tubong Pangasinan.

Nananawagan si Cabangbang kay Yvann Zuñiga, o mas kilala bilang “Paolo,” na aniya ay karelasyon ni Ferrer, na lisanin ang komunistang-teroristang samahan. Ito ay upang mapanatili ang kanyang kaligtasan at magkaruon ng magandang kinabukasan.

Ipinasa ni Cabangbang ang sisi sa pagkamatay ni Ferrer sa mga opisyal ng unibersidad at ang mga magulang dahil diumano ay pina­babayaang nilang mapasok ang estudyante sa mga ‘legal fronts’ ng CPP-NPA-NDF. Ang mga ito, ayon kay Cabangbang, ay nagiging sanhi ng pagkakasira ng mga pangarap ng mga kabataang Pilipino.

Samantalang, sa isang ‘webinar’ ng Samar-based 802nd Infantry Brigade, inirekomenda ni National Youth Commission (NYC) Chairman Undersecretary Ronald Gian Carlo Cardema ang pagbabalik ng Citizens Army Training (CAT) sa mga high school. Sinusuportahan ni Cardema ang muling implementasyon ng Reserve Officers Training Course (ROTC) sa mga kolehiyo, at sinabi na ang pagbabalik ng CAT sa antas ng high school ay isang hakbang upang maiwasan ang pag-re-recruit ng NPA sa ating mga kabataan.

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.