Van sumalpok sa 10-wheeler truck: 2 criminology students patay, 14 sugatan

0
47

COTABATO CITY. Dalawang criminology student ang nasawi habang 14 pa nilang kasamahan ang malubhang nasugatan nang bumangga ang kanilang sinasakyang van sa isang nakaparadang 10-wheeler truck sa Malungon, Sarangani nitong Linggo.

Ayon sa mga ulat ng Malungon Municipal Police Station at ng Police Regional Office-12 nitong Lunes, pauwi na sa Kidapawan City mula sa Rover Scouting Event sa Glan, Sarangani ang mga biktima na sina Christian Mark Cordero at Allan Peniero, kasama ang 14 pang estudyante, nang sumalpok ang kanilang van sa isang nakaparadang 10-wheeler truck sa gilid ng highway sa Purok Agdao, Barangay Talus, Malungon, Sarangani.

Dinala na sa ospital ang mga sugatang kasamahan nina Cordero at Peniero, na kapwa mga criminology students sa Central Mindanao College sa Kidapawan City, Cotabato, at miyembro ng Alpha Phi Omega fraternity.

Ayon kay Brig. Gen. Percival Augustus Placer, director ng PRO-12, patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng aksidente.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.