‘Very sensitive’ na impormasyon ibinunyag ni Brice sa ICI

0
324

MAYNILA. Nagbigay ng mahahalagang sensitibong impormasyon si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Assistant District Engineer Brice Hernandez sa kanyang unang pagharap sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Ayon kay ICI Special Adviser at Baguio City Mayor Benjamin Magalong, bukod sa pagbibigay ng impormasyon ay isinuko rin ni Hernandez ang isa sa kanyang mga luxury car bilang tanda ng kooperasyon sa imbestigasyon.

“Brice was very cooperative, Mr Hernandez. His revelations were very relevant. And to cut it short, he was very tell-all,” ani Magalong.

Nang tanungin kung nagbigay rin si Hernandez ng karagdagang detalye hinggil kina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Joel Villanueva, na una na niyang pinangalanan sa pagdinig ng Kamara, sinabi ni Magalong na mas marami pa itong ibinunyag.

“Just as I said, everything. He gave all the relevant information,” dagdag ng alkalde.

Samantala, inaprubahan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang kahilingan ni Blue Ribbon Committee Chair Panfilo “Ping” Lacson na payagan si Hernandez ng 12 oras na leave noong Setyembre 20 upang personal na makakuha ng mga dokumento at ebidensya na maaaring makatulong sa imbestigasyon ng komite.

Si Hernandez, na kasalukuyang nasa kustodiya ng Senado, ay nanatili sa ilalim ng escort at bantay ng Senate Sergeant-at-Arms sa lahat ng oras at ibinalik din sa Senado sa parehong araw.

Anumang ebidensyang makalap ay maaari ring ibahagi sa ICI, Office of the Ombudsman, at/o Department of Justice upang masiguro ang tamang hakbang laban sa katiwalian at mapalakas ang pananagutan ng mga pampublikong opisyal.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.