Veteran actor John Regala, pumanaw noong Sabado

0
663

Pumanaw na sa edad na 55 ang beteranong aktor na si John Regala.

Kinumpirma ng pamangkin ni Regala ang kanyang pagkamatay sa social media.

“No more pain na, tito. Paalam na Tito John Regala,” sabi ni Nene Lour Billones Bendijo.

Inanunsyo rin ni entertainment columnist Aster Amoyo ang kanyang pagkamatay. Sinabi niyang namatay ang aktor ng 6:28 ng umaga matapos dumanas ng iba’t ibang sakit.

Nauna dito, naiulat na may liver cirrhosis at matinding gout si Regala.

Ipinanganak ang beteranong aktor na si John Paul Guido Boucher Scherrer noong Setyembre 12, 1967, sa mga aktor na sina Mel Francisco at Ruby Regala.

Una siyang lumabas sa “That’s Entertainment” noong dekada 1980.

Noong dekada ’90, kilala si Regala sa kanyang mga papel bilang kontrabida sa mga action films.

Napabilang siya sa mga pelikula tulad ng “Isa-Isahin Ko Kayo” (1990), “Bukas Bibitayin si Itay” (1995), at “Askal” (1997).

Noong 2011, nanalo si Regala bilang Best Supporting Actor sa Metro Manila Filmfest movie sa pelikulang “Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story.”

Nakilahok din siya sa ilang mga serye sa telebisyon, at ang huli niyang ganap ay sa “FPJ’s Ang Probinsyano.”

Ang lamay ni Regala ay gaganapin sa St. Peter Chapels sa Tandang Sora, Quezon City. Ang detalye ng kanyang paglilibing ay hindi pa ipinapahayag.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.