Victory Liner, naghigpit sa security checks matapos ang pagpatay sa 2 pasahero sa Nueva Ecija

0
451

Bilang tugon sa nangyaring pamamaril at pagpatay sa dalawang pasahero ng bus sa Nueva Ecija, mas pinaigting ng Victory Liner ang mga security checks sa kanilang mga terminal.

Sa isang panayam sa TeleRadyo Serbisyo, sinabi ni Victory Liner corporate communications officer Ricky Rivera na, “Yung ating seguridad po ay titriplehin natin… Safety and security po kasi ang talagang dalawang mantra ng Victory Liner at ito po ‘yung kung bakit kami tumagal sa industry.”

Nagresulta ang pamamaril sa pagkamatay ng 60-anyos na babae at 55-anyos na live-in partner nito na hindi pa natutukoy ang pangalan at pagkikilanlan. Nag-viral din ang dash cam record ng insidente.

Ayon kay Rivera, pinakita ng drayber ng bus ang “presence of mind” matapos ang pangyayari, na nagtagumpay na mailipat ang iba pang pasahero sa mas ligtas na lugar. “Kahit na nagkaroon ng barilan doon, matagumpay po niyang naitawid yung iba pang pasahero sa safer place. Pansamantala pong natulala, pero yung kaniyang training nag-kick in… napaandar pa po niya yung behikulo. Siguro kung sa ibang driver yun, baka nag-panic na.”

Dahil dito, iniisip na ng mga awtoridad na ibalik ang bus marshal para sa karagdagang seguridad. “This is a welcome development,” sabi ni Rivera. “Susunod po kami kung ano po yung mga rekomendasyon ng DOTr, ganoon na rin ng Philippine National Police, para mas maganda at mas maalwan sa ating mga kababayan itong darating na Christmas season… at maraming pauwi sa ating mga kababayan,” dagdag pa niya.

Gayunpaman, ayon kay Provincial Bus Operators Association of the Philippines executive director Alex Yague, maaaring magdulot ito ng logistical problems. “Kung 4,000 na bus na galing ng probinsya papuntang Manila, galing Norte pa lang ‘yan, 4,000 rin yung galing south papuntang Manila, logistics issue ‘yan.”

“Open naman kami na kausapin ang PNP paano natin ma-implement ‘yan kasi para sa seguridad ng pasahero ‘yan,” sabi ni Yague. “Siguro ang kailangan paigtingin natin d’yan yung seguridad sa mga terminal ng mga bus, police visibility, siguro yung mga security guards, kailangan mag-check ng bagahe.”

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.