Villanueva, Estrada, Co at 3 pa, kakasuhan na sa anomalya sa flood control projects

0
237

MAYNILA — Inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang pagsasampa ng mga kasong kriminal at administratibo laban sa ilang senador at opisyal ng gobyerno na umano’y sangkot sa maanomalyang flood control projects sa bansa.

Ayon kay ICI Chairman Andres Reyes Jr., kabilang sa mga personalidad na irerekomendang kasuhan sa Office of the Ombudsman sina Senators Joel Villanueva at Jinggoy Estrada, dating congressman Zaldy Co, Commission on Audit (COA) Commissioner Mario Lipana, dating congresswoman Mitch Cajayon-Uy, at dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo.

Sinabi ni Reyes na inirekomenda ng komisyon na masampahan ang mga nasabing opisyal ng mga kasong direct at indirect bribery, corruption of public officers, at plunder, kaugnay ng umano’y pagtanggap ng suhol o iba pang benepisyo mula sa mga contractor ng flood control projects.

“With this filing we remain true to our commitment to the Filipino people. No one will be spared in this fight against corruption,” pahayag ni Reyes sa isang press briefing.

Batay sa ulat ng ICI, ang mga reklamo ay nakabatay sa mga sinumpaang salaysay at mga dokumentong isinumite ng mga dating engineer ng DPWH sa Bulacan na sina Henry Alcantara, Brice Ericson Hernandez, at Jaypee D. Mendoza, na pawang natanggal sa serbisyo.

Sa isang naunang congressional hearing, sinabi ni Hernandez na sina Villanueva at Estrada ay tumanggap umano ng kickbacks mula sa mga proyektong ipinatupad sa lalawigan. Mariin namang itinanggi ng dalawang senador ang akusasyon.

Ayon pa sa ICI, lumitaw sa mga pahayag ng mga dating engineer ang umano’y sistematikong “kickback scheme” kung saan ilang mambabatas ang kumikilos bilang project proponents at nagsisingit ng flood control projects sa National Expenditure Program, House General Appropriations Bill, at General Appropriations Act kapalit ng 20 hanggang 30 porsiyentong komisyon mula sa kabuuang halaga ng proyekto.

Ipinahayag din ng komisyon na ang mga bayad ay karaniwang idinadaan sa mga DPWH engineer at mga contractor na nakikipagsabwatan upang makuha ang proyekto at mapabilis ang paglalabas ng pondo.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.