MAYNILA — Kinumpirma ng mga awtoridad na tugma sa initial findings ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang dashcam video na kuha sa Kennon Road sa Benguet na naging viral online, kaugnay ng pagkamatay ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral.
Ayon sa ulat ni Bea Pinlac sa programang “24 Oras Weekend” noong Linggo, ang dashcam footage na kuha noong umaga ng Disyembre 18 ay nagpapakita ng isang sports utility vehicle (SUV) na nakaparada sa gilid ng kalsada, habang may babaeng nakikitang nakaupo sa isang concrete barrier.
Sinabi ng NBI na ang naturang video ay consistent sa mga paunang resulta ng kanilang imbestigasyon.
Batay sa mga operatiba ng NBI, huminto at pumarada sa gilid ng kalsada si Cabral at ang kanyang driver habang patungo sila sa Baguio City.
Kinumpirma rin ni Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na authentic ang selfie photo na kuha ng driver ni Cabral at tumutugma ito sa taong makikita sa dashcam footage.
Bukod dito, kinumpirma ng mga awtoridad na ang bangkay na narekober mula sa isang bangin ay kay Cabral.
“Sa pagkumpirma ng kanyang pagkamatay, nalinaw na ang mga espekulasyon hinggil sa pagkakakilanlan ng mga labi. Ang susunod na hakbang ay matukoy kung ano talaga ang nangyari, at ito na ngayon ang pokus ng lahat ng aming pagsisikap kaugnay ng kasong ito,” pahayag ni Philippine National Police (PNP) acting chief Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Gayunman, sinabi ng mga awtoridad na kahit kumpirmado na ang pagkamatay ni Cabral, patuloy pa rin nilang tinutunton ang umano’y pagkakasangkot nito sa flood control corruption scandal.
“Apart sa isinasagawang imbestigasyon sa insidenteng ito, ang Philippine National Police ay aktibong nakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya upang masiguro ang lahat ng ebidensya kaugnay ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa flood control controversy,” dagdag ni Nartatez.
Aniya, mahalaga ito bilang bahagi ng commitment ng PNP na tulungan ang paghahanap ng katotohanan at itaguyod ang transparency at accountability.
Noong Linggo, nagsagawa ng crime scene reconstruction sa Kennon Road ang mga tauhan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group, Scene of the Crime Operatives, at mga forensic unit.
Isinalaysay naman ng isang nagpapatrulyang pulis na siya ang nag-flag down kina Cabral at sa kanyang driver nang huminto ang mga ito sa gilid ng kalsada.
Samantala, nagsagawa ng search operation ang NBI noong Sabado sa hotel room kung saan nag-check in si Cabral.
Ayon sa search warrant na inilabas ng Baguio Regional Trial Court Branch 6, may probable cause upang maniwala na maaaring murder o homicide ang naganap, batay sa mga kahina-hinalang pangyayari sa pagkamatay ni Cabral.
Narekober ng mga imbestigador mula sa hotel room ang mga paper bag at isang shoulder bag na naglalaman ng mga larawan at identification cards ni Cabral, pati na credit at debit cards, mga legal documents, prescription drugs, at iba pang gamit.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






