Visitor-ready tourism circuits sa Calabarzon, binuksan ng DOT

0
484

Inilunsad noong Sabado ng Department of Tourism (DOT) ang inaabangang Green Corridor Initiative (GCI) na mag-uugnay sa mga nangungunang “visitor-ready” na mga destinasyon sa rehiyon ng Calabarzon (4-A).

Limang tourism circuits sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon ang ipinakilala ng DOT Region 4-A.

Sa Cavite, itatampok sa Metro Tagaytay Tourism Circuit ang Tagaytay City, Silang, Alfonso, at Maragondon, na may pagtutok sa kalikasan, kalusugan at kagalingan, at farm tourism.

Ang SaRiLiNa Tourism Circuit ng Laguna, sa kabilang banda, ay nagtatampok sa mayamang ecotourism na inaalok ng lalawigan mula sa maringal na talon, protected forest areas hanggang sa mineral at cold springs. Kasama sa circuit na ito ang San Pablo, Rizal, Nagcarlan, at Liliw.

Kinumpleto naman ng Nasugbu, Calatagan, Taal, at San Juan ang Bayside Tourism Circuit ng Batangas na nakasentro rin sa nature at adventure ngunit may pagtuon sa mga kakaibang bayan sa tabing-dagat ng lalawigan at magagandang dive spots.

Samantala, ang circuit ng Rizal ay naghahangad na mag-alok sa mga turista ng pananampalataya, pagkain, sining, nature at adventure. “Sa pamamagitan ng pagbisita sa Antipolo, Angono, Taytay, at Cainta, sinabi ng DOT na ang mga bisita ay magkakaroon ng “touch base with nature without losing touch with the finer points of urban living.”

Ang REINA Tourism Circuit ng Quezon ay isang adventure detination, kung saan ang Real, Infanta, at General Nakar ay nangangako ng mga atraksyon para sa lahat ng uri ng manlalakbay maging ito ay isang nature tripper, adrenaline junkie o history buff. Sa Real pa lamang ay makakaranas na ang mga bisita ng river tubing o surfing sa Tignoan Beach, isa sa pinakamalapit na surfing spot sa Metro Manila.

“We really want to help destinations that are ready to receive guests. We are ready that’s why we invited local tour operators to craft packages that are affordable to domestic tourists,” ayon kay DOT Calabarzon director Marites Castro sa isang interview.

“Ang kaibahan nito sa ibang (Its difference to other) tourism product is it’s really a combination that has nature, history, culture, and adventure. Since the tourism circuits that we identified have outdoor destinations, it really is safe for tourists,” dagdag pa niya.

Mula sa mahigit 61 milyon noong 2019, bumaba sa 12.02 milyon noong nakaraang taon ang pagdating ng mga turista bilang epekto ng pandemya sa industriya ng turismo sa rehiyon.

Umaasa si Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, sa kanyang bahagi na ang GCI ay magtutulak sa leisure travel at magsisimula sa pagbangon ng rehiyon.

“The DOT is repositioning the Philippines as a safe, fun, and competitive tourism destination following the pandemic. The Provinces of Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, and Quezon are certainly prime examples of exciting destinations that are easily accessible from the National Capital Region,” ayon sa kanya.

Sinabi ng DOT na lahat ng mga bayan na tinukoy sa GCI ay bukas para sa lahat ng edad basta’t sila ay nabakunahan na.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.