Voter registration sa 2025 polls, sinimulan na

0
241

Nagsimula na ngayong araw ng Lunes, Pebrero 12, ang voter registration period para sa 2025 National and Local Elections (NLE).

Ayon sa Comelec, ina­asahan nilang aabot sa hanggang tatlong milyong Pinoy ang magpaparehistro para sa halalan sa susunod na taon.

Pinayuhan din nito ang mga aplikante na magdala lamang ng government-issued identification cards (ID) na ma pirma ng magpaparehistro bago magtungo sa tanggapan ng Comelec na malapit sa kanilang lugar.

Kabilang sa mga IDs na tinatanggap sa pagpapare­histro sa poll body ay ang National Identification (ID) card, Postal ID card, PWD ID card, Student’s ID card o library card, na pirmado ng school authority, Senior Citizen’s ID card, Land Transportation Office (LTO) Driver’s License/Student Permit, National Bureau of Investigation (NBI) Clearance, Philippine Passport, Social Security System (SSS)/Government Service Insurance System (GSIS) o iba pang Unified Multi-Purpose ID card, Integrated Bar of the Philippines (IBP) ID card, lisensiyang inisyu ng Professional Regulatory Commission (PRC), Certificate of Confirmation na inisyu ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) para sa miyembro ng ICCs o IPs at Barangay Identification/ Certification na may larawan at iba pang government-issued valid ID.

Magtatagal ang voter registration period hanggang sa Setyembre 30, 2024 lamang.

Matatandaang ang Pebrero 12 ay una na ring idineklara ng Comelec en banc bilang “National Voter’s Day” o “Pambansang Araw ng mga Botanteng Pilipino”.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, isinagawa nila ang deklarasyon upang bigyang-diin ang kahalagahan ng pagiging isang rehistradong botante at ipaliwanag ang mga proseso ng pagrere­histro at ng halalan sa mga Pinoy.

Inaasahang kasabay ng naturang pagdiriwang, lahat ng tanggapan ng Comelec sa buong bansa ay magkakaroon ng iba’t ibang aktibidad upang i-entertain ang mga registrants at gisingin ang interes ng kanilang mga constituents para mahikayat silang magparehistro.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.