MAYNILA. Inamin ni Vice President Sara Duterte na maaaring hindi na makauwi sa Pilipinas ang kanyang ama, si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nakakulong sa The Hague, Netherlands dahil sa mga kasong crimes against humanity na isinampa laban sa kanya sa International Criminal Court (ICC).
“Sa totoo lang wala akong nararamdaman. Hindi ako galit, hindi ako disappointed. Nothing at all. Kasi pointless naman na mag-harbor ako ng feelings about what happened. Hindi na siya maibabalik. Hindi na mababalik si Pangulong Duterte sa Pilipinas,” pahayag ng bise presidente sa isang pulong balitaan.
Ayon pa kay VP Sara, dapat nang tanggapin ng bansa ang sitwasyon at magpatuloy.
“So what we should do as a country is move on from what happened. What will we do is [we move] forward as a country and as a people from what happened. Magalit man tayo, walang mapupuntahan ‘yung galit natin dahil hindi naman ‘yan sila pananagutin ng pamahalaan eh,” dagdag pa niya.
Gayunpaman, tiniyak niya na patuloy nilang hahanapan ng paraan ang pagpapauwi sa dating pangulo, lalo na’t nagpahayag ito ng kagustuhang bumalik sa Davao City upang muling magsilbi bilang alkalde.
“Dapat siguro i-demand natin sa kanila na mag-isip sila, but clearly from the answers of secretary of the Department of Justice kanina, I don’t think they will make moves in taking back or bringing the former President home. So hahanapan na lang namin ng ibang paraan kung paano maiuwi ang ating dating Pangulo,” ani VP Sara.
Sa tanong kung may nagtaksil sa kanilang hanay, hindi direktang tinukoy ng bise presidente ang isang partikular na tao ngunit inamin niyang maaaring mayroong nagbigay ng impormasyon sa mga awtoridad.
“Hindi ko man matawag siguro na traitor, pero sigurado ako sa rami ng tao na ‘yun sa loob ng kwarto na ‘yun ay meron talagang nagsasabi kung ano ang pinag-uusapan doon sa loob. Kung kanino nila sinasabi, hindi ko alam,” sabi niya.
Samantala, inamin naman ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na may sama siya ng loob kay National Security Adviser Eduardo Año dahil hindi umano nito inabisuhan ang kampo ng dating pangulo tungkol sa kanyang pag-aresto sa paliparan nang dumating ito mula Hong Kong.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo