VP Sara Duterte hindi dadalo sa SONA ni Pangulong Marcos, idiniklara ang sarili bilang “designated survivor”

0
291

MAYNILA. Kumpirmadong hindi dadalo si Vice President at outgoing Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte sa idaraos na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hulyo 22.

Matapos ang kanyang pagbibitiw sa gabinete ng Pangulo noong nakaraang buwan, marami ang nag-aabang kung dadalo ba ang Bise Presidente sa SONA ni Pang. Marcos.

“No, I will not attend the SONA… I am appointing myself as the designated survivor,” pahayag ni Duterte sa isang panayam sa inagurasyon ng Child and Adolescent Neurodevelopment Center sa isang pagamutan sa Davao City.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na hindi dadalo ang Bise Presidente sa SONA.

Pinalagan naman ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua ang umano’y hindi magandang patawa ni VP Sara Duterte nang sabihin nitong itinatalaga niya ang kaniyang sarili bilang “Designated Survivor” kaya wala siyang planong dumalo sa joint session ng Kongreso para sa ikatlong SONA ni Pangulong Marcos.

“Such a joke is not in good taste because the security of the President of the Philippines is not a joking or laughing matter. Great care is taken to ensure the security of the President, especially during the SONA,” saad ng solon.

Ayon kay Chua, anuman ang tensyon sa pulitika ay hindi dapat nagbibiro ng masama ang ikalawang Pangulo, lalo na’t usapin pa ng kaligtasan ng Pangulo ng bansa.

“Strictly speaking, Vice President Sara Duterte does not have that appointing power for a designated survivor because it is the 1987 Constitution that designates the Vice as the first next in line to succeed the President,” punto ni Chua.

Una nang nagbitiw si Sara bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) at vice chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), epektibo sa Hulyo 19.

Walang opisyal na “designated survivor” rule sa Pilipinas tulad ng sa Estados Unidos. Sa ilalim ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas, ang pagkakasunud-sunod sa kapangyarihan ay malinaw na tinutukoy. Ang Bise Presidente ang unang susunod sa Pangulo sa kaso ng kamatayan, pagkakasakit, pagbibitiw, o pagkakatanggal ng Pangulo.

Ayon sa Artikulo VII, Seksyon 8 ng 1987 Konstitusyon, ang pagkakasunud-sunod ay ang mga sumusunod:

  1. Bise Presidente
  2. Senate President
  3. Speaker of the House of Representatives

Ito ay nagsisiguro na may malinaw na plano para sa pagpapatuloy ng pamumuno sakaling may mangyari sa Pangulo. Ang ideya ng “designated survivor” na ginagamit ni VP Sara Duterte ay maaaring isang biro o metaphorical na pahayag at hindi isang opisyal na proseso sa ilalim ng batas ng Pilipinas.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.