VP Sara Duterte nagbitiw bilang DepEd secretary: Gadon, sinisi ang mga Duterte supporters

0
286

MAYNILA. Nagbitiw na bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) si Vice President Sara Duterte. Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil, personal na nagtungo kahapon si VP Duterte sa Malacañang bandang alas-2 ng hapon para isumite ang kanyang resignation letter.

Bukod sa pagiging miyembro ng Gabinete, nagbitiw rin si VP Duterte bilang vice chairman ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Tinanggap na ni Pangulong Bongbong Marcos ang kanyang pagbibitiw at pinasalamatan siya para sa kanyang serbisyo.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni VP Duterte na epektibo ang kanyang resignasyon sa Hulyo 19, 2024, at nagbigay siya ng 30-araw na notice upang matiyak ang maayos na transisyon. Nilinaw niya na ang kanyang pagbibitiw ay hindi dulot ng kahinaan kundi ng malasakit para sa mga guro at mag-aaral.

“Mga kababayan, ang aking pagbibitiw ay hindi lulan ng kahinaan kundi dala ng tunay na malasakit para sa ating mga guro at mga kabataang Filipino,” ani VP Duterte. Dagdag pa niya, “Hindi man ako ang tumatayong kalihim ng edukasyon, mananatili akong isang ina, na nagmamatyag at titindig para sa kapakanan ng bawat guro at bawat mag-aaral sa Pilipinas, para sa isang matatag na Pilipinas.”

Pagtatapos pa ni VP Duterte, “Ang lahat ng ginagawa ko ay para sa Diyos, sa bayan, at bawat pamilyang Filipino.”

Samantala, sinisi ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon ang dating Pangulong Rodrigo Duterte at mga supporters nito sa pagbibitiw ni VP Duterte. Sa isang video, sinabi ni Gadon na hindi tama ang ginawa ng dating Pangulo at mga vloggers nito sa pagtawag ng “bangag” kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

“Yang mga ginagawa ninyong lahat na ‘yan, nag-backfire kay VP Inday. Ang may mga kasalanan sa mga nangyayari ngayon ay kayo na mga DDS supporters at DDS vloggers at si former president Duterte. ‘Yan ang talagang pangyayari. Sayang ‘yung Uniteam, maganda na sana inumpisahan pero dahil lamang sa isyu ng confidential funds nagwala na mga Duterte. Sino nagsuffer? Si Inday Sarah,” ani Gadon.

Dagdag pa ni Gadon, maganda rin ang pagbibitiw ni VP Duterte dahil bumaba na rin ang kanyang trust rating. Ayon sa kanya, hindi matatatawaran ang 31 milyong Pilipino na bumoto kay Marcos at naniniwalang aangat ang ekonomiya ng bansa sa tulong ni VP Sara.

Sa kabila ng lahat, patuloy na magsisilbi si VP Duterte bilang Bise Presidente ng bansa.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo