VP Sara Duterte, tiniyak na hindi magre-resign sa kabila ng impeachment

0
35

MAYNILA. Tiniyak ni Vice President Sara Duterte na wala siyang balak bumaba sa puwesto sa kabila ng patuloy na pag-usad ng impeachment complaint laban sa kanya sa House of Representatives.

Sa isang press conference kahapon—ang kanyang unang pagharap sa media matapos aprubahan ng Kamara ang ikaapat na impeachment complaint—sinabi ni Duterte na hindi pa napapanahon upang pag-usapan ang pagbibitiw niya sa posisyon.

“Wala pa tayo doon. Masyado pang malayo ‘yung mga ganyan na mga bagay,” ani Duterte. “Nandoon pa lang tayo sa pagbabasa ng—Actually, wala pa tayo doon dahil ‘yung mga abogado lang ‘yung mga nagtatrabaho. Hindi ko alam kung ano ang ginagawa nila.”

Ayon kay Duterte, matapos ang nasabing press conference ay makikipagpulong siya sa kanyang mga abogado upang talakayin ang impeachment case.

Kinumpirma rin niya na simula pa noong Nobyembre 2023 ay naghahanda na ang kanyang legal team matapos ipahayag ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang planong pagsasampa ng reklamo.

Inihayag din ni Duterte na bagamat gusto ng kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na maging bahagi ng kanyang legal team, hindi niya ito papayagan dahil sa edad nitong 80-anyos.

Bagamat hindi pa nagko-convene ang impeachment court, sinabi ni Duterte na kung maaari siyang hindi dumalo sa mga pagdinig, ay hindi na siya pupunta.

“Kung pwede naman hindi [dumalo] and I understand puwede naman, hindi na. Kasi baka ma-intimidate lang sila lahat sa presence ko doon,” aniya.

Ayon pa sa pangalawang pangulo, marami ang humihingi ng kanyang reaksyon sa impeachment case, ngunit nananatili ang kanyang posisyon.

“Sa kabila ng lahat ng aking mga naging pahayag ukol sa planong impeachment sa mga nakaraang buwan, ang tanging masasabi ko na lamang sa puntong ito ay ‘God save the Philippines,’” aniya.

Mariin din niyang itinanggi ang mga alegasyon na tinangka niyang pagbantaan ang buhay ng Pangulo.

“I did not make an assassination threat to the President. Sila lang ang nagsasabi niyan. Sila lang ang nagsasabi may assassination, sila nagsasabi may assassin, may gunman. I did not say that,” giit niya.

Nagpasalamat naman si Duterte sa kanyang mga tagasuporta sa patuloy na tiwala at pagmamahal sa kanya. Hinimok niya rin ang mga ito na unahin ang kanilang trabaho at negosyo kaysa ang pagsali sa mga kilos-protesta.

“Maaaring gamitin ng aking mga tagasuporta ang social media upang ipahayag ang kanilang saloobin nang hindi iniiwan ang kanilang mga trabaho,” paalala niya.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.