VP Sara Duterte, tumangging manumpa sa kamara: “Hindi ako kaibigan ni PBBM”

0
302

MAYNILA. Tumanggi si Vice President Sara Duterte na manumpa upang magsabi ng totoo sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability kaugnay ng paggamit ng pondo ng Office of the Vice President (OVP).

Sa pagdinig na ginanap kahapon, inatasan ng chairperson ng komite na si Manila Rep. Joel Chua ang committee secretary na panumpain ang mga resource persons mula sa OVP, Department of Budget and Management (DBM), at Commission on Audit (COA). “Do you solemnly swear to tell the truth, the whole truth and nothing but the truth (in this inquiry)? So help you, God,” wika ng sekretarya sa mga resource persons.

Tumanggi si Duterte na manumpa at iginiit niya na siya ay isang resource person lamang at hindi witness. Ayon sa kanya, batay sa rules ng Kamara, tanging mga witness lamang ang kailangang sumailalim sa panunumpa. Sinang-ayunan naman ni dating Pangulong at Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo ang posisyon ni Duterte, tinukoy ang mga ruling ng Korte Suprema at precedent sa Senado.

Gayunpaman, ipinunto ni Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores na ang mga resource person ay hindi itinuturing na akusado at dapat na manumpa. Dahil dito, nagpasya si Rep. Chua na “noted” ang paliwanag ni Arroyo at pinayagan si Duterte na magbigay ng pambungad na talumpati. Sa kanyang pahayag, sinabi ni Duterte na ang pagdinig ay isang pag-atake laban sa kanya at iniugnay ito sa darating na 2028 presidential elections.

“Ang mga nangyayari ay parte ng mga pulitikal na atake laban sa akin,” sabi ni Duterte, at hiniling na tapusin na ang pagdinig, subalit hindi ito pinagbigyan ni Chua. Makalipas ang ilang minutong recess, nagpaalam si Duterte na aalis at pinayagan ito ng komite dahil hindi naman siya nanumpa.

“Hindi Ko Kaibigan si PBBM”
Matapos ang pagdinig, sa isang ambush interview, matapang na sinabi ni Vice President Sara Duterte na hindi niya kailanman naging kaibigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (“PBBM”). “Never, hindi kami naging magkaibigan (PBBM),” tugon ni Duterte sa mga reporter nang tanungin kung may posibilidad pa ba ng rekonsilasyon sa pagitan nila ni Marcos.

Dagdag pa niya, “Nagkakilala lang kami dahil mag-running mate kami noong 2022 elections. Bago pa man kami maging running mate, hindi na kami nag-uusap.” Gayunpaman, sinabi ni Duterte na si Senator Imee Marcos, kapatid ni PBBM, ay matalik niyang kaibigan mula pa noong 2012. “Ang kaibigan ko talaga si Senator Imee Marcos, kilala niya ako since 2012,” ayon kay Duterte.

Nang tanungin kung naniniwala siyang si PBBM ang nasa likod ng mga pulitikal na pag-atake laban sa kanya, sinabi ni Duterte, “Let’s sit down.” Ayon sa kanya, ang mga mambabatas ng administrasyon ang siyang nagtatangkang magpabagsak sa kanyang kandidatura sa pamamagitan ng impeachment at pagpapahina ng kanyang tsansa sa 2028 national elections.

Si Pangulong Marcos at VP Duterte ay tumakbo sa ilalim ng “Team Unity” noong 2022 elections, kung saan nakakuha ng higit 31 milyong boto si Marcos at higit 32 milyong boto naman si Duterte.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo