MAYNILA – Itinuturing ng Malacañang na isang uri ng political destabilization ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na handa siyang palitan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sakaling magbitiw ito. Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, hindi rin katanggap-tanggap ang pag-asa ni Duterte na magbibitiw ang Pangulo.
“Unang-una po, ang Bise Presidente, it is not acceptable for a vice president to anticipate the resignation of the president. This is definitely a form of political destabilization,” ani Castro. Idinagdag niya na pinapahina ng mga ganitong pahayag ang tiwala ng publiko sa administrasyon at naglilikha ng “climate of uncertainty and crisis.”
Ani Castro, kung handa si Duterte, ipinapakita lamang nito na talagang iniisip at pinaghahandaan niya ang pagbibitiw ng Pangulo. “Kung handa siya, makikita po natin, nag-anticipate siya na mawawala ang Pangulo – iyan po ang balak nila, iyan po ang nasa isip nila, at iyan po ang ginagawa nila ngayon,” dagdag niya.
Kasabay nito, inihayag ni Pangulong Marcos na sinubukan umano ng dating kongresista na si Zaldy Co na i-blackmail ang administrasyon upang hindi mabawi ang kanyang passport. Sa isang video message, sinabi ng Pangulo na nilapitan sila ng abogado ni Co para makipag-usap tungkol sa pasaporte nito.
“Nilapitan po kami ng abogado ni Zaldy Co at nagtatangkang mag-blackmail na kung hindi po namin kakanselahin ang passport niya, hindi na raw siya maglalabas ng video,” ani Marcos. May warrant of arrest si Co mula sa Sandiganbayan. Ilang videos ang inilabas nito sa social media, kung saan inaakusahan si Marcos, anak nitong si Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, at pinsan na si Leyte Rep. Martin Romualdez ng umano’y katiwalian sa flood control projects.
Ayon kay Marcos, agad kakanselahin ng gobyerno ang passport ni Co kapag naihain na ang mga kasong kriminal laban sa kanya. Hinamon niya si Co na bumalik sa Pilipinas upang manumpa sa kanyang pahayag at sumailalim sa due process.
Ipinahayag din ng Pangulo na pinatigil ng Anti-Money Laundering Council ang mga eroplano ni Co, na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P4 bilyon. Na-freeze na rin ang humigit-kumulang P12 bilyon na asset ni Co, kabilang ang 3,566 bank accounts, 198 insurance policies, 247 motor vehicles, 178 real properties, 16 e-wallet accounts, at air assets. Nangako si Marcos na maibabalik ang pera ng publiko mula sa mga na-freeze na asset.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






