VP Sara iimbestigahan sa alegasyon sa POGO at droga

0
247

MAYNILA – Pinaiimbestigahan sa Kamara de Representantes at sa Office of the Ombudsman ang mga alegasyon laban kay Vice President Sara Duterte na umano’y pinondohan ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO at drug money ang kanyang kampanya noong 2022 elections.

Ang panawagan ay bunsod ng sinumpaang salaysay ng dating aide ni Duterte na si Ramil Lagunoy Madriaga. Ayon kay Manila Rep. Benny Abante, seryoso ang mga paratang kaya kinakailangang masusing siyasatin upang matukoy kung may katotohanan ang mga ito.

Sinabi ni Abante na ang pagtanggap ng campaign contributions mula sa POGO at drug dealers ay iligal kung mapapatunayan. Aniya, may implikasyon din ito sa pambansang seguridad dahil iniuugnay ang POGO sa China. Kailangang malinawan kung tumanggap ng pera si VP Duterte mula sa mga POGO at drug syndicate.

Batay sa affidavit ni Madriaga, siya ang nag-organisa ng Inday Sara Duterte Is My President o ISIP movement kasama ang ilang kaklase sa San Sebastian College of Law kung saan siya nagtapos. Si Duterte ay alkalde pa ng Davao City nang buuin ang naturang grupo.

Ayon pa kay Madriaga, ang pondo para sa ISIP Pilipinas national campaign mula 2021 hanggang 2022, pati na ang iba pang kaugnay na grupo, ay nagmula umano sa mga POGO operator at drug dealers.

Matapos manalo si Duterte bilang Vice President, inatasan umano si Madriaga na tumulong sa pagtatatag ng Vice Presidential Security and Protection Group o VPSPG.

Ikinuwento rin ni Madriaga na personal niyang dinadala ang pera sa isang comedy bar sa Timog area. Aniya, nakita niya roon ang dating Office of the Vice President spokesman na si Reynold Munsayac, na kaklase rin umano ni Duterte, at inutusang dalhin ang bag sa itaas at iwan sa opisina. May mga pagkakataon din umano na nag-iwan siya ng duffle bag na may pera sa parking area ng Ombudsman, sa isang mall, at sa isang bahay sa Novaliches.

Giit ni Abante, mahalagang makakuha ng mga dokumento ang magsasagawa ng imbestigasyon at ihambing ang mga ito sa timelines at lugar na binanggit sa affidavit sa isang bukas na pagdinig upang masuri ng publiko at matimbang ang mga pagtanggi ng mga nabanggit na indibidwal.

Dagdag pa niya, may mandato ang Ombudsman na magsagawa ng parallel fact-finding kaugnay ng posibleng misuse of public office at korapsyon. Samantala, ang mga pagdinig sa Kongreso ay maaaring maglantad ng mga kakulangan sa polisiya sa campaign finance, anti-money laundering coverage, at security protocols na kailangang higpitan.

Itinanggi ni Munsayac ang mga alegasyon. Sa ngayon, wala pang pahayag si Vice President Duterte kaugnay ng sinumpaang salaysay ni Madriaga.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.