NOVALICHES. Pinuna ni Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. ng Novaliches ang kakulangan sa transparency ng mga opisyal ng gobyerno sa paggamit ng pondo ng bayan. Sa kanyang mensahe, hinihikayat niya ang mga sangay ng gobyerno na maging tapat sa paggasta ng pera ng bayan upang maiwasan ang anumang pag-aalinlangan at kontrobersiya hinggil sa katiwalian.
Ipinahayag ni Bishop Bacani ang kanyang saloobin ukol sa kontrobersyal na isyu ng confidential funds sa 2024 National Budget, partikular sa tanggapan ng Pangalawang Pangulo at Kagawaran ng Edukasyon na parehong pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte.
“Ang kailangang ipaliwanag na mabuti ay saan gagamitin ang confidential funds at bakit napakalaki ang confidential funds ng OVP at Department of Education. Ang ayaw magbigay ng paliwanag at magbigay ng accounting kung saan ito ginagamit ay baka may itinatagong pagnanakaw,” pahayag ni Bishop Bacani sa Radyo Veritas.
Binigyang-diin ni Bishop Bacani na ang mamamayan ay nagsasawa na sa patuloy na katiwalian sa pamahalaan dahil sa kakulangan ng transparency sa paggamit ng pondo ng bayan. Kaya’t panahon na para maging tapat ang mga opisyal at sangay ng pamahalaan sa kanilang mga gawain.
Hinimok ng Obispo ang mga opisyal ng pamahalaan na maging responsable sa paggastos ng pera ng bayan na nagmula sa buwis ng mamamayan na nangangailangan ng tulong at serbisyo sa gitna ng kahirapan.
Nauna dito, sinab ni Vice President Sara Duterte na “kung sino man ang kumokontra sa confidential funds ay kumokontra sa kapayapaan. Kung sino ang kumokontra sa kapayapaan ay kalaban ng bayan.”
Sa kabila ng mga kontrobersyal na pahayag, ipinapaalala ng Simbahan na mahalaga ang transparency ng mga opisyal ng gobyerno. Ito ay karapatan ng mamamayan na malaman ang katotohanan tungkol sa paggamit ng pondo ng bayan na inaasahan sana na mapupunta sa mga programa at serbisyong makakabuti sa buhay ng mga tao.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.