Isinasaad at itinadhana ng batas na kada buwan ng July hanggang October, ang bawat tanggapan ng Lokal na Pamahalaan ay kinakailangan magsipaghanda ng isusumiteng budget ng kanilang opisina para sa susunod na taon. Sa Sanggunian ipapadala upang mapag-aralan, matalakay at mapagtibay sa o bago sumapit ang December 31 ng nakakasakop na taon.
Ang punong ehekutibo o alkalde ang dapat pangunahing tumutok sa gagawing paghahanda ng annual budget. Titiyaki niya na hindi kukulangin ang mga pangangailangan ng mga nasasakupan nyang tanggapan subalit masusing bantayan kung labis labis ang mga ito.
Pinakamahirap ang pagbabudget ng mga nasa pamahalaan sapagkat ang inaasahang papasok pa lang na mga salapi at pondo ang pinagbabatayan. Mabuti kung ang darating na pagbubukas ng taon ay may ‘excess fund’ o natirang mga ipon at labis na pondo upang maging maalwan ang pagsisimula ng pagtutustos sa gastusin ng pamamahala.
Nawa’y mapaglaanan ng mas malaking pondo ang pangkalusugan, pang edukasyon at serbisyong panlipunan. Kailangang laging handa ang lahat ng lungsod at bayan sa mga posibleng mangyayari hinggil sa pandemya tulad ng Covid-19. Gayundin sa pagbabalik ng mga bata sa paaralan para sa face to face learning. At higit sa lahat ay ang pag agapay sa mga kababayang nangangailangan ng agarang tulong mula sa lokal na pamahalaan.
Napapanahon na rin upang bawasan ng pondo ng mga programa at proyektong hindi naman masyadong kailangan. Baka ang mga ito ay pag-aaksaya lang ng salapi mula sa kaban ng bayan. Kailangan ding magtipid din ang bawat tanggapan at iwasan ang pag popondo para sa mga hindi importanteng gawin at bilihin na dagdag gastos lang para sa pamahalaan.
Ayon sa pinakahuling Global Financial Stability Report, nagpapakita na ang sistema ng pananalapi ay nakakaramdam na ng malaking epekto, at ang karagdagang pag tindi ng krisis ay maaaring makaapekto sa pandaigdigang katatagan ng pananalapi.
Hindi pa tayo nakakalampas sa pandemya at patuloy na nararamdaman ang masasamang epekto sa ekonomiya ng giyera sa Ukraine at Russia. Kaya matama lamang na tayo ay magtipid at maghanda sa anumang mangyayari bukas.
Reference: Insights & Analysis On Economics & Finance https://tinyurl.com/3y64nvde
Sandy Belarmino
Si Sandy Belarmino ay 17 taon ng naglilingkod sa larangan ng pamamahayag. Naging broadcaster siya sa radyo at local TV. Media correspondent din sya at columnist sa iba’t ibang dyaryo ng lokal sa San Pablo City. Si Sandy ay kasalukuyang pangulo ng Seven Lakes Press Corps.