MAYNILA. Wala pang naitatalang kaso ng bagong COVID-19 variant na NB.1.8.1 o mas kilala bilang “Nimbus” sa Pilipinas, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa isang press briefing sa Malacañang, sinabi ni DOH Secretary Teodoro Herbosa na binabantayan na ang naturang variant sa ilang bansa sa Southeast Asia, ngunit wala pa umanong ulat ng presensya nito sa bansa.
“Wala pa akong nakuhang report, pero babantayan na natin ito ngayon na naiulat na,” ani Herbosa.
Ayon sa DOH, mas pinaigting ang pagbabantay sa mga kaso ng COVID-19 ngayong tag-ulan, kasabay ng pagtaas ng mga kaso ng trangkaso.
Sinabi ni Herbosa na ang variant na Nimbus ang nakikitang dahilan ng pagtaas ng kaso sa ibang mga bansa, kung saan ang pangunahing sintomas nito ay tinatawag na “razor blade throat” o matinding pananakit ng lalamunan, batay sa ulat ng Associated Press.
Nilinaw rin ni Herbosa na nananatiling epektibo ang mga naunang bakuna laban sa bagong variant.
“It seems yung vaccines na binigay before are still effective on them. So, if you were vaccinated during the previous COVID pandemic, you are still protected,” aniya.
Bagaman wala pang naiulat na pagtaas ng kaso, nagpapatuloy ang genome sequencing ng DOH at Research Institute for Tropical Medicine (RITM) upang matiyak na hindi pa nakapasok ang variant sa bansa.
Hinimok pa rin ng DOH ang publiko na mag-ingat at sumunod sa mga umiiral na health protocols, lalo na ngayong panahon ng trangkaso.
Nakikipag-ugnayan na rin ang kagawaran sa mga international health agencies upang mabantayan ang pagpasok ng mga bagong variant sa bansa.
“’Yan yung importance na nagri-report ‘yung ibang countries what their variant is. So, that means magsa-surveillance kami. We will select samples at paggagawa namin sa RITM ‘yung genome sequencing para malaman namin kung ‘yung variant na ‘yan lumalabas na dito,” dagdag ni Herbosa.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





