MAYNILA. Wala pang natatanggap na anumang komunikasyon ang Malacañang hinggil sa posibilidad ng isang red notice mula sa International Criminal Police Organization (Interpol) laban kay dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte.
Ito ay kasunod ng mga ulat na may inilabas umanong warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban sa dating Pangulo kaugnay ng imbestigasyong isinagawa sa libo-libong pagkamatay sa police anti-drug operations noong kanyang administrasyon.
Ayon sa mga rekord ng gobyerno, mahigit 6,000 drug suspects ang napatay sa operasyon ng pulisya sa ilalim ng kampanya kontra droga ni Duterte. Subalit, batay sa pagtataya ng mga human rights groups, maaaring umabot sa 30,000 ang bilang ng mga nasawi.
“Wala pa po tayong natatanggap na anumang communication patungkol sa red notice at nakausap po natin si Asec. Mico from the DOJ at as of now ay tinitingnan din po nila ang kanilang mga records. As of now, wala pa pong natatanggap na anumang komunikasyon patungkol diyan,” pahayag ni Palace Press Officer at Undersecretary Atty. Claire Castro.
Dagdag pa ni Castro, bagamat may mga lumabas na ulat tungkol sa isang warrant of arrest laban kay Duterte, hindi pa ito agad nakukumpirma lalo na kung wala pang opisyal na kopya ng naturang warrant.
“Ang sabi po kasi ng DOJ, since hindi po tayo miyembro ngayon ng ICC, may mga options po kasi ang ICC kung papaano nila ito ipapa-serve. Kung nagkataon po kasi na tayo ay miyembro, puwede po itong ipadaan sa opisina po ng Pangulo o kaya po sa DOJ o kaya sa DFA. Pero maaari pa rin po tayong ituring ng ICC bilang miyembro at maaaring gawin po iyong binanggit ko pong mga procedure pero nasa kanila po ito kung ito po ay ipapadaan na lang mismo doon sa bansa kung nasaan iyong taong kanilang gustong i-serve ng warrant of arrest,” paliwanag ni Castro.
Sa kabila nito, iginiit ni Castro na nananatili ang polisiya ng pamahalaan na hindi ito makikipagtulungan sa ICC, maliban na lamang kung mismong Interpol na ang hihiling ng kanilang tulong.
“Sa Interpol po tayo makikipag-ugnayan kung hihingin po ng Interpol ang tulong ng gobyerno po ng pamahalaan,” aniya.
Sa ngayon, patuloy na sinusubaybayan ng gobyerno ang anumang bagong impormasyon hinggil sa isyung ito habang nananatili ang paninindigan ng administrasyon laban sa pakikialam ng ICC sa panloob na usapin ng Pilipinas.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.